Ni: Mary Hope Zonio
Boracay Island, Malay Aklan- Nanindigan ang Philippine Coast Guard- Western Visayas (PCG-WV) sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalita na si CG CDR Jansen Benjamin na maliit lang ang tiyansang umabot sa Isla ng Boracay ang oil spill sa Naujan, Oriental Mindoro na namataan na rin sa Caluya, Antique.
Sa ngayon aniya ay umiiral ang Northeast monsoon o Amihan dahilan na mababa lamang ang tiyansang umabot ito sa Boracay dahil ito ay nasa Eastern side ng spill site samantalang ang Semirara Island ay sa Western side malapit sa Sulu sea.
Bagaman malabo ang insidenteng umabot ng Boracay ang oil spill, naglatag na ng oil spill boom ang PCG sa Puka Beach sa Boracat para lamang maka sigurado.
Dagdag pa ng PCG na umaabot na sa 25 drum ng oil water ang nakuha ng mga responder sa karagatan na sakop ng Caluya, Antique kung saan tinatayang umaabot na sa sampung kilometro ang naapektuhan nito at mayroong 600 indibidwal na malapit sa shoreline ang naapektuhan.
Kasama umano nila sa paglilinis sa lugar ang Office of the Civil Defense, National Disaster Risk Reducation and Management Council at ang lokal na gobyerno.
Napag-alaman na umaabot sa 800,000 litro ng idustrial fuel ang karga ng lumubog na MT Princess Empress.
Nagsagawa rin umano ang PCG personnel ng shoreline assessment at nagpakalat ng assets at equipment para marekober ang mga kumalat na langis.