
Ni: Fernando ‘Totoy’ delos Reyes, Yapak
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan, nais kong ipaabot ang aking buong pusong panawagan sa bawat mamamayan ng Barangay Yapak, buong Isla ng Boracay, at Bayan ng Malay.
Ang krisis sa langis ay hindi lamang simpleng usapin—ito ay may direktang epekto sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Mula sa pamasahe sa transportasyon, singil sa kuryente, gastusin sa tubig, hanggang sa presyo ng mga pangunahing bilihin, ramdam na natin ang bigat nito.
Kaya naman, hinihikayat ko ang bawat isa na maging masinop, maging maingat, at maging matalino sa paggastos. Ugaliin po nating magtipid, maglaan ng ipon, at unahin ang mga pangunahing pangangailangan ng ating pamilya.
Wala pong katiyakan kung hanggang saan pa ang magiging epekto ng krisis na ito, kaya’t ngayon pa lamang ay maghanda na tayo. Sa panahon ng hamon, ang pagkakaisa, disiplina, at tamang pamamahala sa ating mga yaman ang ating magiging sandigan.
Sama-sama po nating harapin ang pagsubok na ito—para sa ating pamilya, para sa ating komunidad, at para sa kinabukasan ng Malay.