Latest News
“Panay Bukidnon-Ati Tribe”sa Caticlan Hindi Kabilang sa mga Kinikilalang Katutubong Grupo- NCIP

ILOILO CITY — Nilinaw ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Region VI-VII na ang tinatawag na “Panay Bukidnon-Ati Tribe” ay hindi kabilang sa mga Indigenous Cultural Communities/Indigenous Peoples (ICCs/IPs) na opisyal na kinikilala ng ahensya sa Western Visayas.
Ito ang nakasaad sa isang liham ng NCIP Region VI-VII na may petsang Setyembre 3, 2025, na ipinadala kay Hon. Ralf A. Tolosa, Punong Barangay ng Caticlan, Malay, Aklan, kaugnay ng kahilingan para sa beripikasyon ng isang Indigenous Political Structure (IPS).
Ayon sa liham na nilagdaan ni Atty. Princess May Alcarde-Oral, Regional Director, batay sa opisyal na mga rekord at validated ethnographic data ng NCIP, ang tinatawag na “Panay Bukidnon-Ati Tribe” ay hindi kabilang sa mga ICCs/IPs na kinikilala ng NCIP Regions VI at VII.
Binigyang-diin din ng komisyon na ang lahat ng aplikasyon o paghahabol para sa kumpirmasyon ng Indigenous Political Structure ay kailangang mahigpit na sumunod sa NCIP Administrative Order No. 2, Series of 2012, na nagtatakda ng mga alituntunin para sa confirmation of IPS.
Nilinaw ng NCIP na tanging mga duly recognized ICCs/IPs o kanilang lehitimong organisasyon ang maaaring kumatawan sa Indigenous Peoples sa mga programa, proyekto at mga paghahabol sa harap ng NCIP at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Nagbabala rin ang komisyon laban sa mga mapanlinlang o hindi beripikadong paghahabol, dahil maaari umano itong makasira sa karapatan ng mga lehitimong ICCs/IPs at lumabag sa mga umiiral na polisiya.
Ayon sa NCIP, mahigpit nitong sinusunod ang due process at customary law sa pagpili ng mga lider, pagkilala sa mga ICCs/IPs at sa mga usapin kaugnay ng ancestral domain.
Iginiit ng ahensya na layunin nitong matiyak na ang mga katutubong pamayanan na kinikilala ng pamahalaan ay tunay na nabibigyan ng proteksiyon sa ilalim ng Republic Act No. 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) of 1997.
Sinabi rin ng NCIP na ang proseso ng validation at recognition ay mahalaga upang mapangalagaan ang ancestral domain at maiwasan ang hindi awtorisadong paggamit ng pagkakakilanlang Indigenous Peoples para sa personal o pampulitikang interes.
Ang naturang liham ay ipinadala rin bilang kopya sa Aklan/Antique NCIP Office para sa kaukulang impormasyon at aksyon.
Ang paglilinaw ng NCIP ay maaaring maging mahalaga sa mga usapin sa Aklan na may kaugnayan sa pagkilala sa Indigenous Peoples, representasyon, Indigenous Political Structure at mga karapatang nakapaloob sa IPRA.


