Connect with us

Lifestyle

4Ps Gabay sa Natupad na Pangarap

Published

on


Testimonya ni Julie Ann Palo Nacion
Pribadong guro
Dating benepisyaro ng 4Ps

MADALAG, Aklan (Pagtataguyod) – May kasabihan na “Ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay kung may pangarap at determinasyon.” Ito ang kuwento ng aking buhay, isang kuwentong puno ng pagsubok, pag-asa, at tagumpay na hindi sana maisasakatuparan kung wala ang suporta ng aking pamilya, ng Diyos, at ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ako si Julie Ann Palo Nacion ng Brgy. Bacyang, ng bayan na ito. Lumaki ako sa isang simpleng pamilya na binubuo ng apat na magkakapatid. Parehong walang permanenteng trabaho ang aking mga magulang at umaasa lamang sila sa pagkakayod bilang mga laborer. Dahil dito, madalas kaming kapos sa pagkain, pambayad sa gastusin, at maging sa mga pangunahing pangangailangan sa pag-aaral.

Noong ako ay nasa high school, ang aming sambahayan ay naging beneficiary ng 4Ps. Hindi naging madali ang aking pag-aaral. Madalas ay dalawang piso lamang ang aking baon, at may mga araw na wala pa akong baon. Malayo ang aming paaralan kaya araw-araw akong naglalakad papunta at pauwi. Naranasan kong magsuot ng butas na tsinelas at paulit-ulit na gamitin ang iilang damit at pantalon na mayroon ako. Upang madagdagan ang aking baon, nagtitinda ako ng ice candy sa loob ng paaralan.

Sa kabila ng aming kalagayan, hindi ko kailanman binitawan ang aking pangarap. Naniniwala akong ang edukasyon ang tanging susi upang mabago ang buhay ng aming pamilya.

Nang maging bahagi kami ng 4Ps, unti-unti naming naramdaman ang pagbabago. Nagkaroon ako ng baon araw-araw, kahit limang piso lamang at ito ay napakalaking tulong na noon. Nabilhan na rin ako ng aking ina ng bagong tsinelas, uniporme, pantalon, school bag, at mga school supplies. Hindi na gaanong mabigat ang gastusin sa aking pag-aaral kaya mas napagtutuunan ko na ang aking pangarap.

Matapos ang high school, nagtapos ako ng isang two-year course sa Aklan State University. Bagama’t masaya akong nakapagtapos, may bahagi pa rin ng aking puso na nangangarap ng higit pa. Sinubukan kong maghanap ng trabaho ngunit nahirapan akong makahanap ng mas magandang oportunidad dahil sa aking natapos na kurso.

Kalaunan ay naging Barangay Secretary ako sa loob ng tatlong taon. Nang magkaroon na ako ng sariling pamilya at isang anak hindi pa rin maalis sa aking isip ang pangarap na maging isang guro.

Nagpasya akong bumalik sa pag-aaral at kumuha ng kursong Bachelor of Secondary Education. Naging iskolar ako ng Provincial Government at ito ang nagsilbing kaagapay ko sa pagiging estudyante. Pinagsabay ko ang aking pagiging tutor upang matustusan ang aking pag-aaral at ang pangangailangan ng aking pamilya.

Hindi naging madali ang pagsabayin ang pag-aaral, pagiging ina, at paghahanap ng dagdag na kita. Maraming gabing kulang sa tulog at maraming araw na puno ng pagod. Ngunit sa bawat hamon, lalo lamang akong naging determinado dahil alam kong ginagawa ko ito hindi lamang para sa aking sarili kundi para rin sa aking anak at sa kinabukasan ng aming pamilya.

Sa awa ng Diyos at sa tulong ng aking pamilya, matagumpay kong natapos ang aking kurso at nakapasa sa Licensure Examination for Teachers noong November 2025. Isa na akong Licensed Professional Teacher (LPT), isang pangarap na minsan ay tila napakalayo para sa batang may dalawang pisong baon at butas na tsinelas.

Sa kasalukuyan, isa na akong guro sa Wonderers Learning and Development Center at patuloy na nagsusumikap. Bagama’t ako ay nasa pribadong sector ng edukasyon, nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng pagkakataong maibahagi ang aking kaalaman at maging inspirasyon sa aking mga mag-aaral lalo na sa mga batang 4Ps. Nang nagsimula ako magturo, dito na rin nagsimula ang pakikipagtulongan ko sa mga staff ng 4Ps. Araw-araw ay nagsisilbi itong paalala na ang edukasyon ay tunay na makapangyarihang sandata upang mabago ang buhay.

Ang pinakamahalagang pagbabagong naidulot ng 4Ps sa aking buhay ay hindi lamang ang pinansyal na suporta. Mas higit nitong pinalakas ang aking paniniwala na may pag-asa ang bawat pamilyang nagsisikap. Ang tulong na aming natanggap ang naging tulay upang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral, matupad ang aking pangarap, at magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang aking pamilya.

Ngayon, masasabi kong hindi nasayang ang bawat tulong na ibinigay ng 4Ps sa amin. Mula sa isang batang halos walang baon at nagtitinda lamang ng ice candy upang makapasok sa paaralan, ngayon ay isa na akong Licensed Professional Teacher na nagtuturo at humuhubog ng kinabukasan ng mga kabataan at naging gamay ng mga batang 4Ps.

Maraming salamat sa 4Ps. Hindi lamang ito nagbigay ng tulong pinansyal kundi nagbigay rin ito ng pag-asa, oportunidad, at lakas ng loob upang maabot ko ang aking mga pangarap.

Ako mismo ang buhay na patunay: ang tulong ng pamahalaan, kapag nasamahan ng sipag, tiyaga, at pananampalataya, ay hindi lang nagbabago ng buhay, kundi habang buhay na kaginhawaan. (Ipinasa ni Municipal Link Maridel L. Nagamos, Madalag MOO, Aklan POO)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

Ati-Atihan Festival Hotel
Bread & Butter Biscocho de Boracay