Agriculture
EO Na Nagtatatag Ng Provincial Reference Price Sa Mga Baboy Nilagdaan Ni Aklan Governor Miraflores

KALIBO, AKLAN — Nilagdaan ni Provincial Governor Jose Enrique M. Miraflores ang Executive Order No. 069, Series of 2026, na nagtatatag ng mga pansamantalang panuntunan sa presyo (reference prices) para sa mga buhay na baboy at karne ng baboy, kasama ang mga alituntunin para sa patas at malinaw na sistema ng kalakalan sa lalawigan.
Layu-layon ng kautusang ito na protektahan ang mga lokal na nagpaparami ng baboy (hog raisers) laban sa sapilitang pagbebenta sa mababang presyo (distress selling), panggigipit sa merkado, at iba pang suliraning pangkabuhayan habang nahaharap sa mga hamon tulad ng African Swine Fever (ASF).
Mga Pangunahing Punto ng Executive Order No. 069:
Mungkahi sa Presyo at Tubo: Nagtatag ang kautusan ng pamantayang tubo (commercial markup) at iminungkahing reference price upang mabawasan ang agwat sa pagitan ng gastos sa produksyon at benta sa merkado. Itinakda sa ₱180.00 bawat kilo ang farmgate reference price para sa buhay na baboy, habang ang iminungkahing presyo sa tingi (retail reference price) ay mula ₱290.00 hanggang ₱315.00 bawat kilo.

Pana-panahong Pagsusuri: Susuriin ang mga reference price na ito nang hindi bababa sa isang beses bawat tatlong (3) buwan, o kapag kinakailangan dahil sa malalaking pagbabago sa gastos sa produksyon, kalagayan ng merkado, status ng sakit, pati na rin ang supply at demand.
Ipinagbabawal na Kilos at Hindi Patas na Kalakalan: Malinaw na idineklara ng kautusan na ilegal ang mga gawaing tulad ng daya sa pagtitimbang ( kabilang ang paggamit ng hindi rekalibradong timbangan at walang batayang bawas-timbang o kaltas/tara), manipulasyon ng presyo, pakikipagkuntsabaan, kartel, pagtatakda ng limitasyon sa pagbili, boykot, at sapilitang pakikipagkontrata.
Pagsubaybay sa Presyo at Pagpapatupad: Ang Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) at Provincial Agriculture Office (PAO), kasama ang mga pamahalaang bayan at mga kaugnay na sektor, ang mamamahala sa pagsubaybay sa presyo, pagpapakalat ng impormasyon, at pagtiyak sa pagsunod sa alituntunin.
Mekanismo para sa Reklamo: Ang mga nagpaparami ng baboy, komprador, nagtitinda ng karne, mamimili, at iba pang kaugnay na sektor ay maaaring magsumite ng mga opisyal na reklamo ukol sa daya sa timbang o hindi patas na kalakalan sa tanggapan ng lalawigan o bayan para sa kaukulang aksyon at pagsusuri.
Epektibo agad ang Executive Order na ito simula nang ito ay lagdaan noong Oktubre 21, 2026.
Samantala, nagpaabot naman ng pagpasalammat si Arnulfo Magcope, chairperson ng Provincial Agriculture and Fisheries Council-Aklan sa nasabing dokumento na nilagdaan ni Miraflores.
Ayon Kay Magcope, ang executive order at bunga ng serye ng konsultasyon sa mga nag aalaga ng baboy sa Aklan.
“Dumaan ang executive order sa masusing proseso kung saan matapos magpasa ang PAFC-Aklan nang resolusyon, pinag aralan pa eto ng provincial legal team bago ma-aprubahan,” pahayag ni Magcope.


