
Ni: Shaine Sorrosa
Sta. Cruz, Ibajay, Aklan – Patuloy na pinapakita ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Sta. Cruz ang suporta nito sa edukasyon ng kabataan sa pamamagitan ng muling pagbubukas ng programang “Dating Module Mo, Print Ko”, na nag-aalok ng libreng printing at photocopy services para sa mga estudyante sa barangay.
Layunin ng programang ito na matulungan ang mga mag-aaral sa kanilang mga requirements sa paaralan, lalo na sa gitna ng mga gastusing kinahaharap ng maraming pamilya. Upang makapag-avail ng libreng serbisyo, kinakailangan lamang magtungo sa SK Office at magpakita ng valid student ID.
Ayon sa SK Sta. Cruz, bukas ang serbisyo araw-araw mula Lunes hanggang Linggo, sa oras na 9:00 AM hanggang 11:00 AM sa umaga at 1:00 PM hanggang 4:00 PM sa hapon.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan ang mga estudyante sa opisyal na Facebook page ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Sta. Cruz, o magpadala ng mensahe sa mga itinalagang SK officials sa bawat purok.
Ang programang ito ay patunay ng pagtutok ng SK Sta. Cruz sa pangangailangan ng mga kabataang mag-aaral, at isa ring hakbang upang patuloy silang mahikayat na ipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa kabila ng mga hamon.