
By: Joseph Rowen Dela Cruz
Labis ngayon ang pagkabighani at pagkamangha ng marami sa isang bahagharing tulay na matatagpuan Barangay Alfonso XII, sa bayan ng Libacao, Aklan.
Ang proyektong ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng inisyatibo mula sa kanilang Sangguniang Kabataan Chairman, John Boy Saldivia kasama ang mga youth volunteers mula sa Bayan ng Buruanga.
Suportado din umano ng mga brgy. officials ang proyekto kung saan ang iba pa dito ay nagsponsor ng tanghalian para sa mga volunteers.
“Naisip namin na kulayan ang aming tulay ng rainbow colors kasi ang rainbow ay sumisimbolo sa pagtanggap at pagkilala kung sino ka talaga. Sana ay yung rainbow color na ito sa bridge namin ay maappreciate at maintindihan ang kahulugan na ang bawat tao ay katanggap tanggap at kailangan nating respetuhin” ayon kay Saldivia.
Samantala , marami pang iba’t ibang proyekto ang inihain ni Saldivia kasama ang SK ng Alfonso XII para sa mga mamamayan nito, partikular na ang Search for Miss Alfonso XII 2022 kung saan unang beses palang na idaraos sa naturang barangay. umaasa naman si Saldivia na sana ay makapagbigay ng positibong pananaw sa buhay ang nasabing tulay sa mga tao, hindi lang sa kanilang nasasakupan kundi para sa lahat ng makakita nito.