
Ni: Bhal Cabrerra
Ozamis City- Mas ligtas at mas panatag na ngayon ang mga residente ng Ozamiz City dahil sa mas pinaigting na seguridad gamit ang mas maraming Closed-Circuit Television (CCTV) cameras (o mga h-tech na Maritess) na inilagay sa mahahalagang lugar sa lungsod. Ang proyektong ito ay isang malaking tagumpay ng Padayon Asenso Ozamiz administration na naglalayong protektahan ang mga mamamayan at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan.
Ayon kay Ozamiz City Police Station (OCPS) Officer-in-Charge Police Lt. Col. Harvey Abellanosa, malaki ang naitulong ng CCTV cameras sa pagsubaybay sa trapiko, pagpigil sa krimen, at mas mabilis na pagresponde sa mga emerhensiya. “Isa itong malaking hakbang para sa ating lungsod. Ang presensya ng CCTV cameras ay nagbibigay ng mas mataas na antas ng seguridad sa ating mga mamamayan,” ani Abellanosa.
Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa administrasyon ng Padayon Asenso Ozamiz, lalo na kay Mayor Atty. Indy Oaminal, para sa kanilang buong suporta sa proyekto.
“Patuloy na pinapalakas ng Asenso Ozamiz administration ang ating mga hakbang sa pagpapatupad ng batas. Ang mga CCTV cameras na ito ay malaking tulong sa aming mga pulis upang mas madaling masolusyunan ang mga krimen at mapanatili ang kaligtasan ng lahat ng taga-Ozamiz,” dagdag pa niya.
Ang mga CCTV cameras ay inilagay sa mga pangunahing lansangan, pampublikong pamilihan, terminal, at iba pang mahahalagang lugar sa lungsod. Dahil dito, mas mabilis nang natutukoy ang mga hinihinalang kriminal, mas naayos ang daloy ng trapiko, at mas napipigilan ang posibleng kapahamakan o emerhensiya. Ipinunto naman ni Mayor Atty. Indy Oaminal na ito ay isa lamang sa maraming programa ng kanyang administrasyon upang mapalakas ang seguridad sa lungsod.
“Ang ating patuloy na pagsisikap sa ilalim ng Padayon Asenso Ozamiz ay patunay ng ating matibay na pangako na panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa ating lungsod,” sabi ng alkalde. Dahil sa proyektong ito, mas panatag na ang loob ng mga residente at negosyante, kahit sa gabi.
Umaasa ang lokal na pamahalaan sa patuloy na suporta ng publiko upang mapanatili ang kaayusan at seguridad na pinaghirapan ng Padayon Asenso Ozamiz administration.