Connect with us

Lifestyle

Mula benepisyaryo tungo sa lingkod ng kapwa 4Ps

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay

Testimonya ni Jimuel Dela Cruz
LGU Batan MDRRMO staff Benepisyaryo ng 4Ps
BATAN, Aklan (Pagtataya) -Ako ay ipinanganak sa isang simpleng pamilya โ€“ Hindi marangya, ngunit puno ng pangarap at pag-asa. Bata pa lamang ako, namulat at natutunan ko na ang halaga ng pagsisikap at pagtitiis. Tuwing papasok ako sa paaralan, madalas ay wala akong baon. Habang nakikita ko ang ibang bata na may mga pagkain at gamit, ako nama’y tahimik na naglalakad, bitbit ang pagnanais na balang araw ay makakaahon din kami sa hirap.
Hindi naging madali ang mga araw na iyon. May mga panahong nakakaramdam ako ng gutom, at may mga pagkakataong kailangang mangutang ni Nanay ng bigas sa tindahan upang may mailuto kami sa hapag. Ganunpaman, hindi ko kailanman hinayaan gutumin ng aking pag-asa. Sa halip, ginawa kong inspirasyon ang bawat pagsubok.
Sa kabutihang palad, ang aming sambahayan ay napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2011 at naging isa akong monitored child. Dito ko ipinagpatuloy ang aking pangarap. Dahil sa grants na natanggap ng aking pamilya sa 4Ps ay naging isa sa mga daan para maiwasan ang problema naming pamilya lalong-lalo na sa pinansyal. Malaking tulong ito sa aming edukasyon, kalusugan at mga aral na binabahagi ng DSWD sa pamamagitan ng Family Development Session na minsan rin ibinahagi ng aking ina tungkol sa budgeting ng pamilya.
Bago pa man sumikat ang araw, pumapalaot na ako sa dagat upang manghuli ng isda – kahit malamig, kahit madilim. Kapag may mahuli, agad kong iuuwi iyon para may maiulam ang pamilya at may maibaon ako sa pagpasok sa paaralan. Pagkatapos ng klase, habang ang iba ay naglalaro o nagpapahinga, ako nama’y muling bumabalik sa dagat. Sa bawat hampas ng alon at ihip ng hangin, natutunan kong ang tagumpay ay hindi basta ibinibigay – ito ay pinaghihirapan. Ang dagat ang naging saksi sa aking mga pangarap, mga pagod, at mga dasal. Ang mga isdang aking nahuhuli ay hindi lamang pagkain, kundi simbolo ng pag-asa at tiyaga.
Nang ako ay tumuntong sa kolehiyo, mas lalo kong pinatunayan sa sarili ko na kayang abutin ang pangarap kahit gaano kahirap ang buhay. Hindi naging madali ang magbayad ng tuition, kaya patuloy akong nagsikap. Minsan ay nagtrabaho ako habang nag-aaral, tumutulong sa mga gawain para lang makaraos. Kahit pagod, kahit puyat, hindi ako sumuko dahil alam kong ang edukasyon ang magiging tulay ko sa mas magandang kinabukasan. Habang lumilipas ang panahon, natutunan kong ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay, kundi ito ang unang hagdan patungo roon. Dala ko ang mga aral ng dagat, ng pawis, at ng kabataan kong puno ng pangarap hanggang sa ako ay makapagtapos at makahanap ng trabaho. Dahil sa aking determinasyon at pangarap, nakapagtapos po ako ng Bachelor of Science in Criminology- sa Altavas College taong 2024.
Ngayon, ako ay nagtatrabaho sa MDRRMO-Batan (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office) – isang tanggapan na ang layunin ay maligtas, maglingkod, at tumulong sa kapwa. Sa bawat sakuna at hamon, nakikita ko ang sarili kong minsang lumalaban sa unos ng buhay. Ngunit ngayon, hindi na lamang para sa sarili, kundi para sa buong komunidad. Sa tuwing ako’y nasa gitna ng aksyon, naaalala ko ang batang minsang pumapasok sa paaralan ng walang baon, at ang pamilyang minsang nangungutang ng bigas para makatawid sa gutom. Ngayon, ako’y may dalang tapang, malasakit, at inspirasyon para sa iba.
Kung noon, ako ang tinutulungan ng buhay na bumangon, ngayon naman ay ako ang nagbibigay ng tulong at pag-asa sa iba. Ang aking kwento ay may simpleng paalala: โ€œhindi hadlang ang kahirapan sa taong may pangarapโ€. Maaaring nagsimula ako sa wala, ngunit dahil sa determinasyon, pananampalataya, at puso para sa kapwa, unti-unti kong naabot ang tagumpay na minsan ay pinangarap ko lamang sa tabi ng dagat.
PAGTATAYA
Bilang bahagi ng MDRRMO, personal akong tumutulong lalo na kapag may sakuna o emergency. Sinisigurado kong may tamang impormasyon ang mga tao, nagtutulungan silang makalikas nang maayos, at naibibigay ang agarang tulong na kailangan nila. Sa simpleng paraan, kasama ang aking pamilya, nakikiisa rin kami sa mga relief operations at pagbibigay ng suporta sa mga nangangailangan.
Sa aming komunidad, aktibo akong nakikilahok sa mga gawain tungkol sa disaster preparedness tulad ng information drives at drills. Ginagawa ko ang aking makakaya para maging handa ang aming lugar sa anumang sakuna. Ang aking pamilya naman ay sumusuporta at sumusunod sa mga paalala ng LGU, at nakikiisa sa mga programang pangkomunidad.
Sinusuportahan ko ang mga programa ng DSWD sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at pagtulong lalo na sa panahon ng emergency. Tinutulungan ko ang mga benepisyaryo na maunawaan ang mga proseso at sinisigurado ang maayos at ligtas na pagpapatupad ng mga programa. Para sa akin, mahalaga ang mga programang ito dahil malaking tulong ang mga ito sa pagpapabuti ng buhay ng maraming pamilya. (Submitted by: MOO Batan, Aklan POO)

Bread & Butter Biscocho de Boracay