Connect with us

Lifestyle

Puhunan ay Sipag Tungo sa Pangmatagalan na Pangkabuhayan

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay

Testimonya ni Jeline Concepcion Lozada
Benepisyaryo ng 4Ps

ALTAVAS, Aklan (Pagtataya) – Ako po si Jeline Concepcion Lozada, mas kilala bilang Jhing-Jhing, 35 taong gulang, may asawa at may tatlong mga anak. Nakatira kami sa Sitio Macaebang, Barangay Ginictan, ng bayan na ito. Lumaki po ako sa simpleng pamumuhay at naranasan ang ibat-ibang pagsubok sa buhay.

Bago naging benepisyaryo ng 4Ps ang aming sambahayan, nagtrabaho ako sa Ventura’s Ticketing Office sa loob ng mahigit anim na taon na may napakaliit na sahod, habang ang aking asawa naman ay umaasa sa pa-extra-extra sa konstruksyon.

Taong 2019, napilitan akong tumigil sa trabaho dahil sa pagbubuntis at kakulangan ng kostumer, at di naglaon ay nawalan din ng trabaho ang aking asawa. Dahil dito, dumaan kami sa matinding hirap dahil sa wala rin kaming ipon para sa panganganak, kulang sa pagkain, at madalas ay problema sa pera na nagdulot ng tampuhan sa aming pamilya.

Lalong naging mahirap ang aming kalagayan nang dumating ang pandemya noong 2020. Sa panahon ng lockdown, naranasan naming kapusin sa gatas, pagkain, at gamot para sa aming mga anak. Dahil sa matinding stress at kakulangan, napilitan akong humanap ng alternatibong paraan upang matustusan ang pang-araw-araw naming pangangailangan.

Sinubukan kong magbenta online ng mga bulaklak na itinatanim ko, gumawa ng mga paso mula sa semento at goma, at kung minsan ay nangangahoy kami ng aking asawa para may maibenta. Nang humina ang bentahan, natuto naman akong manahi ng mga doormat, potholder, at iba pang gamit kahit mano-mano lamang at kahit madalas masugatan ang aking mga daliri.

Isang malaking pagbabago sa aming buhay nang mailipat ng aking ina sa akin ang pagiging 4Ps grantee. Kalaunan ay napili bilang Parent Leader sa aming cluster. Sa tulong ng mga Family Development Sessions (FDS), unti-unti kong naunawaan ang kahalagahan ng programa hindi lamang sa aspetong pinansyal kundi pati sa kaalaman sa kalusugan, pagiging magulang, at responsableng pamumuhay.

Pero pagkalipas ng ilang taon, natanggal sa programa ang aming sambahayan dahil sa reassessment at itinuring na “non-poor.” Bagama’t pansamantala lamang kaya hindi ako nawalan ng pag-asa. Ilang buwan ang nakalipas ay muling naibalik kami bilang benepisyaryo ng 4Ps na para sa aming pamilya ay isang napakalaking biyaya.

Noong Oktubre 2023, isa po ako sa napiling mabigyan ng puhunan sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP). Dahil dito, napalago ko ang aking maliit na pananahi at nagkaroon ako ng mas maayos na pagkakakitaan habang nasa loob lamang ng bahay. Hindi man malaki ang kita, sapat ito upang makatulong sa pangangailangan ng aming mga anak at magbigay sa akin ng dignidad at kasiyahan sa sarili kong kakayahan.

Sa ngayon, hindi ko man masabing ganap na tagumpay ang aming narating, masasabi ko pong malaki ang ipinagbago ng aming buhay dahil sa 4Ps at SLP. Ang aking pinakamalaking pangarap ay mapagtapos sa pag-aaral ang aming tatlong anak at makita silang masaya at may magandang kinabukasan.

Ang aking kwento ay patunay na sa kabila ng hirap ng buhay, sa tulong ng tiyaga, pananampalataya, at mga programang nagbibigay pag-asa tulad ng 4Ps, posible ang pagbabago.
Lubos po akong nagpapasalamat sa DSWD at sa programang ito na naging daan upang muling bumangon ang aming pamilya at magsilbing inspirasyon sa iba.

PAGTATAYA

Bilang isang PL nakakatulong ako sa aking kapwa benepisyaryo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman tungkol sa buhay at kabuhayan na sa tingin ko ay nakakabuti sa kanila. Tinutulungan ko silang makaintindi ng mga mabuti sa mga patakaran at panuto mula sa aming mga Municipal Link gaya na lamang sa mga dokumento na kinakailangan, ginagabayan ko ang aking mga miyembro na makapag bigay ng tama at kailangang mga impormasyong na hinihingi ng programa.

Bilang isang miyembro ng komunidad aktibong akong nakikilahok sa mga aktibidad sa aming barangay lalong-lalo na sa kalinisan dahil naniniwala akong ang malinis na komunidad ay daan sa pag-unlad. Hindi ko nillimitahan ang aking sarili bilang isang PL na hindi makialam sa iba pang programa ng DSWD dahil dito ako ay natuto akong maghanap buhay at mapaunlad ang kaalaman sa pagnenegosyo at nais ko itong ibahagi rin sa aking kapwa benepisyaryo.

Kahit gaano man kahirap ang pinagdaanan ko sa buhay ay hindi hadlang ito upang ako ay magpasawalang bahala. Ang kawalan ng trabaho ang nag udyok sa aking mag hanap ng alternatibong pagkakakitaan. Isang malaking biyaya sa akin ang pagiging PL at maging miyembro ng SLP dahil ako ay kumikita kahit nasa bahay lang ako. Higit sa lahat, nagagampanan ko ng maayos ang aking pagiging magulang sa aking mga anak at masaya ako sa aking ginagawa. (Ipinasa ni Municipal Link Rone L. Jino-o, Altavas MOO, Aklan POO)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

Continue Reading
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Bread & Butter Biscocho de Boracay