Connect with us

Lifestyle

Solong Ina Sabay na Pinaaral ang Pitong Anak Katuwang ang 4Ps

Published

on


๐—–๐—ฒ๐—น๐—ฒ๐—ฏ๐—ฟ๐—ฎ๐˜๐—ถ๐—ป๐—ด ๐˜๐—ต๐—ฒ ๐Ÿญ๐Ÿด๐˜๐—ต ๐—”๐—ป๐—ป๐—ถ๐˜ƒ๐—ฒ๐—ฟ๐˜€๐—ฎ๐—ฟ๐˜† ๐—ผ๐—ณ ๐Ÿฐ๐—ฃ๐˜€!

Testimonya ni Margie T. Dalmacio
Solong magulang
Benepisyaryo ng 4Ps

ALTAVAS, Aklan (Pangarap) -Ako po si Margie T. Dalmacia, 49 taong gulang, at nakatira sa Brgy. Tibiao ng bayan na ito. Pagkatapos nagkahiwalay kami ng asawa ko, iniwan sa akin ang aming pitong anak.

Simula noon, naging abala na ako sa pagiging isang Barangay Health Worker (BHW) sa aming barangay. Ngunit bago ko narating ang yugtong ito, marami na akong pinagdaanan mga pagsubok para maitataguyod lamang ang aking pitong anak.

Bilang isang solo parent, hindi naging madali ang pagpapalaki at pagtataguyod sa aking mga anak. Maraming pagkakataon na ako lamang ang kailangang humarap sa mga pang-araw-araw na pangangailangan ng aming pamilya tulad ng pagkain, gastusin sa bahay, at higit sa lahat, ang kanilang pag-aaral. Hindi man ako humihiling ng marangyang buhay, ang hiling ko lamang ay matapos nila ang kanilang pag-aaral, magkaroon ng maayos na trabaho, at magkaroon ng magandang kinabukasan.

May mga panahong sabay-sabay ang kanilang mga pangangailangan sa paaralan at hindi ko alam kung saan kukuha ng pambayad. May mga pagkakataong kailangan kong mamili kung alin ang uunahin, pagkain ba, gastusin sa bahay, o pangangailangan nila sa pag-aaral. Ngunit sa kabila ng lahat, pinili kong maging matatag dahil alam kong nakasalalay sa akin ang kanilang pag-asa at kinabukasan.

Sa bawat pagod, bawat pag-aalala, bawat gabing iniisip ko kung paano ko sila maitaguyod, at sa bawat sakripisyong ginawa ko bilang isang ina, ang pinakamagandang gantimpala ay ang makita kong unti-unting nagkakatotoo ang mga pangarap ng aking mga anak.

TULONG NG 4Ps

Isa sa mga naging malaking sandigan ng aming pamilya ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Bilang isang magulang, napakalaking tulong sa akin ng 4Ps dahil nabawasan nito ang bigat ng ilan sa aming mga gastusin at nakatulong upang ipagpatuloy ng aking pitong mga anak ang kanilang pag-aaral.

Ang aking bunso, na kasalukuyang Grade IV, ay isa sa aming mga benepisyaryo ng 4Ps. Malaki ang naitutulong ng programa sa kanyang mga pangangailangan sa paaralan at sa iba pang pangunahing pangangailangan ng aming pamilya. Sa tulong ng 4Ps, nagkaroon ako ng karagdagang suporta upang mas matutukan ang pag-aaral ng aking mga anak at mapanatili silang nagsusumikap sa kabila ng mga pagsubok.

Para sa akin, ang 4Ps ay hindi lamang simpleng tulong pinansyal. Ito ay naging dagdag na suporta, pagkakataon, at pag-asa para sa aming pamilya. Bilang isang solo parent, malaking bagay ang bawat tulong na natatanggap namin dahil nakatutulong ito upang maitaguyod ko ang aking mga anak at mapanatili ang kanilang pag-aaral.

Dahil sa tulong ng 4Ps, natuto rin kaming maging mas maingat sa paggamit ng aming pera at unahin ang tunay na pangangailangan ng pamilya. Higit sa lahat, nakatulong ito upang mapanatili ang aming pag-asa na balang araw ay makapagtatapos ang aking mga anak at magkakaroon ng mas magandang buhay.

PANGARAP

Ang aking panganay ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Accountancy. Ngayon ay nagtatrabaho na siya sa Maynila. Hindi ko maipaliwanag ang saya at pagmamalaki ko nang makapagtapos siya dahil alam ko kung gaano karaming pagsubok ang aming dinaanan upang maitaguyod ang kanyang pag-aaral.

Ngayon, siya naman ang tumutulong sa akin at sa kanyang mga kapatid. Para sa akin, napakalaking biyaya na ang anak na dati ay pinagsisikapan kong mapag-aral ay siya na ngayong katuwang ko sa buhay.

Ang aking pangalawang anak ay nakapagtapos din ng Bachelor of Science in Office Administration. Isa rin siyang nagin monitored child ng 4Ps at nakatulong ng malaki ang programa upang maipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral. Ngayon ay nagtatrabaho na siya bilang Municipal Administrator.

Ang aking pangatlong anak ay bagong graduate ng Bachelor of Science in Criminology. Sa ngayon, naghahanap pa siya ng trabaho upang makapag-ipon para sa kanyang pangarap na maging isang lisensyadong Criminologist. Umaasa ako na darating ang araw na makikita ko rin siyang makamit ang kanyang pangarap at magkaroon ng magandang trabaho.

Ang aking pang-apat na anak ay kasalukuyang nasa pangatlong taong ng Bachelor of Science in Office Administration. Patuloy namin siyang sinusuportahan upang matapos niya ang kanyang pag-aaral.

Ang aking panglimang anak ay nakapagtapos ng Senior High School sa Altavas National School habang ang aking pang-anim na anak ay kasalukuyang nag-aaral sa ALS (Alternative Learning System). Masaya ako dahil sa kabila ng mga naging pagsubok niya sa pag-aaral, hindi tuluyang nawala ang pagkakataon niyang makapag-aral..

At ang aking bunso, na Grade IV pa lamang, ay kasalukuyang minomonitor ng programa. Malaking tulong ang programa sa kanyang pag-aaral at sa pang-araw-araw na pangangailangan ng aming pamilya.

Malaking ginhawa para sa akin ang pagkakaroon ng ganitong suporta. Mas nagkaroon ako ng lakas ng loob na patuloy na magsikap dahil alam kong may katuwang ako sa pag-abot sa mga pangarap ng aking mga anak.

Hindi naging perpekto ang buhay namin. Marami pa rin kaming pagsubok na kinakaharap, ngunit sa bawat araw, nakikita ko ang unti-unting bunga ng aming mga sakripisyo. May mga anak na akong nakapagtapos, may mga nagtatrabaho na, at mayroon ding patuloy na nagsusumikap upang makamit ang kanilang mga pangarap.

Kapag nakikita kong may nakapagtapos na, may nagtatrabaho na, at may patuloy na nagsusumikap, nararamdaman kong sulit ang lahat ng aking paghihirap. Hindi naging madali ang bawat hakbang, ngunit hindi ko hinayaang maging hadlang ang mga pagsubok sa kinabukasan ng aking mga anak.

Sa aking pitong anak, ito ang lagi kong sinasabi: โ€œHindi man naging madali ang ating buhay, hindi tayo sumuko. Sama-sama nating haharapin ang bawat pagsubok hanggang sa makamit natin ang ating mga pangarap.โ€

Nagpapasalamat ako sa mga pagkakataong dumating sa aming buhay, lalo na sa 4Ps, na naging malaking tulong at dagdag na suporta sa aming pamilya. Sa tulong nito patuloy kong naitaguyod ang aking mga anak at napalakas ang kanilang pag-asa na balang araw ay makamit nila ang kanilang mga pangarap.(Ipinasa ng MOO Altavas, Aklan POO)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

Ati-Atihan Festival Hotel
Bread & Butter Biscocho de Boracay