Binatikos ng mga nangungunang tricycle organizations sa bansa ang adminstrasyong Marcos administration sa pagpayag nito sa biglaang pagpapalawak ng operasyon ng motorcycle taxis (MC Taxis) sa ilang lalawigan nang walang anumang konsultasyon.
Sinabi ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) at ng National Public Transport Coalition (NPTC) na makakaapekto sa kanilang kabuhayan ang pagpasok ng 8,000 motorcycle taxi sa Region 3 at 4A.
“Hindi kami kinonsulta, pero ang apektado dito ay kami. TODAs have been the backbone of local transportation for decades, and now we are being pushed aside for profit-driven MC taxi operators,” wika ni Ariel Lim, pangulo ng NACTODAP at NPTC.
Kasabay ng paggiit na hindi sila tutol sa progreso, sinabi ni Jopet Sison, founding chairman ng Quezon City Tricycle Franchising Board, na dapat ay kinonsulta man lang sila ng gobyerno bago ipinatupad ang expansion.
“This is not just about MC taxis. It’s about respect for the workers who keep our communities moving. The Marcos administration must engage with us before implementing policies that impact our sector,” ani Sison.
HInikayat nila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga kaukulang ahensiya na ipatigil muna ang planong pagpapalawak hanggang walang isinasagawang dayalogo sa mga apektadong sektor.
“Hinihiling namin ang agarang pagpapahinto sa pagpapalawak ng motorcycle taxis hanggang hindi kami napapakinggan at nabibigyan ng pagkakataong magbigay ng aming pananaw,” ani Lim, na idinagdag pa na ipaglalaban nila ang kanilang karapatan at kabuhayan hanggang hindi naririnig ang kanilang boses.
Naglabas kamakailan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order laban sa ride-hailing company na Move It, para ipaliwanag ang alegasyon ng paglampas sa rider cap at kabiguan na i-report activation, deactivation, at reactivation ng mga rider nito.
Sa kanyang kautusan, binigyan ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz ang Move It ng limang araw para maghain ng notaryadong paliwanag kung bakit hindi ito dapat suspindihin o alisin sa motorcycle taxi pilot/study program.