Isang Maginhawang Buhay na pagbati mula sa National Commission of Senior Citizens o NCSC Ako po si Reymar Mansilungan, isa sa mga Commissioner ng NCSC na nakatalaga sa Luzon
Malugod kong ipinababatid sa lahat ng ating mga ka Senior na ang NCSC ang inatasan ng batas, ang RA 11982, na mamigay o maghatid ng cash gift na P10,000, sa mga kababayan natin na magdiriwang ng ika 80, 85, 90 at 95 na taon, mula nang maging epektibo ang nasabing batas, noong March 17, 2024.
Subalit, ang pondo na inilagak ng DBM sa NCSC ay magsisimula lamang sa January 1, 2025. Nangangahulugan na ang lahat ng magdiriwang ng 80, 85, 90 at 95 na taon, simula January 1, 2025, ay maari na naming pagkalooban ng nasabing cash gift na P10,000.
Kabilang sa pondo na nasa NCSC sa ngayon ay ang cash gift na P100,000, para sa mga magdiriwang ng ika 100 taon, simula January 1, 2025.
Kung ang ika 100 taon ay ipinagdiwang noong 2024, ang cash gift na P100,000 ay manggagaling pa sa DSWD, sa dahilan, na ang pondo para sa nasabing centenarian cash gift, ay sa DSWD, nailagak para sa 2024. Nais ko lamang pong linawin, na ang eligible o ang nakatadhana na tumanggap ng P10,000 cash gift ay limitado sa mga magdiriwang ng 80, 85, 90 at 95.
Ibig pong sabihin, kung ang isang senior ay 81, 86, 91 o 96, pataas ang edad noong maging epektibo ang batas, hindi po sya eligible para sa P10,000 cash gift, na nakalaan para sa 80, 85, 90 at 95.
Mangangahulugan, na tatanggap sya ng nasabing cash gift, pagtuntong nya sa susunod na bahagda. Halimbawa, kung 81 sya, marapat nyang hintayin na abutin nya ang 85, upang maging kwalipikado sya sa cash gift. Ito po ang nakasaad sa RA 11982. MARAMING SALAMAT.