Connect with us

Sports

Takbo para sa tagumpay at pangarap ng batang 4Ps

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay
Testimonya ni Kian Labar Batang minomonitor ng 4Ps
DINGLE, Iloilo (Pangarap) – “Ang pangarap ay nagiging tagumpay kapag ito’y sinabayan ng sipag, tiyaga, at pananalig sa Poong Maykapal.”
Ako po si Kian Labar, labing-siyam na taong gulang, ipinanganak sa Barangay Ilajas, nitong nasabing bayan. Sa kasalukuyan, isa po akong mino-monitor ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Nagsimula po ang aking pagtakbo noong ako’y nasa elementarya pa lamang nang ang aming paaralan ay naghahanap ng mga atleta na maaaring kumakatawan at makipag paligsahan laban sa ibang paaralan sa bayan ng Dingle. Noon, nakarating lamang ako sa antas ng kongresyonal pero dahil sa pandemya hindi ako nakapasok sa rehiyonal na antas dahil pansamantalang nahinto ang lahat ng paligsahan.
Nagpatuloy po ako sa Dingle National High School, at mula ika-siyam na baitang ay ipinagpatuloy ko ang aking pagsabak sa palakasan. Ang pagsasanay at pag-aaral ang naging bahagi ng aking araw-araw na buhay. Noong ika-sampung baitang na ako, sa wakas ay nakarating ako sa Palarong Pambansa na ginanap sa Cebu. Dalawang pilak lamang ang aking napanalunan, ngunit ginawa ko itong inspirasyon upang lalo pang magsikap.
Nang sumunod na taon, muling lumahok ako sa Palarong Pambansa na ginanap sa Ilocos Norte. Sa pagkakataong iyon, nakakuha ako ng tatlong pilak at dalawang tanso. Labis ang aking kagalakan sapagkat nakita ko ang malinaw na pag-unlad ng aking kakayahan.
Noong nakaraang taon, lumahok din ako sa Batang Pinoy Games na ginanap sa General Santos City, kung saan makakuha ako ng tatlong gintong medalya at nalampasan ang rekord sa 200-meter dash. Sa parehong taon, nakalaban din ako sa ASEAN School Games sa Brunei, kung saan nasungkit ko ng tatlong pilak.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang aming pagsasanay para sa rehiyonal na paligsahan sa Passi. Umaasa po ako na muli naming maiuuwi ang gintong medalya.
Hindi ko po magagawa ang lahat ng ito kung wala ang suporta ng aking pamilya, paaralan, at ng 4Ps. Ang aking pamilya ang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob at motibasyon, lalo na sa panahon ng pagsasanay at paligsahan. Kahit may mga hamon sa pinansyal, patuloy pa rin nilang sinusuportahan ang aking pangarap.
Ang aking paaralan naman ay nagbibigay-daan upang ako’y makapag sanay at makalaban, habang ginagabayan akong mapanatili ang mabuting akademikong pagganap na kinakailangan sa 4Ps. Ang aking mga guro at coach ay tumutulong na subaybayan ang aking progreso at patuloy akong hinihikayat na balansehin ang aking pag-aaral at palakasan.
Sa tulong ng aking pamilya, paaralan, at ng 4Ps, patuloy kong hinahabol ang aking mga pangarap. Naniniwala po ako na sa sipag, tiyaga, at tamang suporta ng gobyerno sa isang tulad ko ay tiyak na makakamit natin ang tagumpay.(Ipinasa ng Dingle MOO, Iloilo POO)

 

Bread & Butter Biscocho de Boracay