Business
Bawat Piso, Bunga Ng Sipag At Diskarte

Ni: Jireh Pearl Casionan
Rizal, Laguna- Sa araw-araw, abala si Lorence Copioso sa pag-aalok ng abot-kayang microinsurance at pagbebenta ng sariwang gulay. Sa pamamagitan ng maayos na paghawak sa pera at paggamit ng oras, nagagawa niyang pagsabayin ang kaniyang mga pinagkakakitaan at iba pang responsibilidad.
Sa pagbabadyet ng gastusin, pag-aayos ng iskedyul, at pag-asikaso ng insurance claims, mahalaga ang bawat piso at minuto para kay Lorence Copioso, 36, mula sa Rizal, Laguna. Para sa kaniya, bawat isa ay may halaga at dapat gamitin nang tama.
Kasalukuyang isang CARD MBA Coordinator si Lorence. Bukod sa kaniyang trabaho, nagtuturo din siya sa mga bata tuwing hapon, nagbebenta ng gulay kada ikalawang araw, at nag-aalaga sa kanilang tatlong anak na nag-aaral. Hindi man madali na pagsabay-sabayin ang mga gawaing ito, ginagawa niya ang lahat upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at maihanda sila sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Maagang natutuhan ni Lorence ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na pera para sa pangangailangan ng kaniyang pamilya. Namatay ang kaniyang mga magulang noong 11 taong gulang pa lamang siya. Naranasan niya ang sakit ng biglaang pagkawala ng mga mahal sa buhay, gayundin ang mga problemang pinansyal na kaakibat nito. Makalipas ang ilang taon, lalo pang naipakita sa kaniya ng COVID-19 pandemic kung gaano kahirap hulaan ang mga maaaring mangyari sa buhay.
Noong 2020, naging kliyente si Lorence ng CARD Bank na nagbibigay ng serbisyong pinansyal para sa mga pamilyang may maliliit na negosyo at pinagkakakitaan. Naging interesado siya sa mga serbisyo nito, kabilang ang life insurance na awtomatikong kasama sa pagiging miyembro ng CARD Mutual Benefit Association (CARD MBA), ang kompanya ng microinsurance ng CARD MRI.
Sa halagang PhP 20.00 kada linggo para sa insurance, nagkaroon siya ng dagdag na kapanatagan ng loob. Hindi lamang insurance ang napakinabangan niya, ginamit din niya ang mga pautang ng CARD Bank upang masuportahan ang kaniyang mga pinagkakakitaan at matugunan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Habang nagtatrabaho ang kaniyang asawa sa isang sortation center ng isang shipping company, nagtuturo naman si Lorence sa mga batang nasa Kinder hanggang Grade 2 upang magkaroon ng dagdag na kita. Ginamit niya ang una niyang loan sa pagbili ng mga kagamitan para sa pagtuturo. Kumuha rin siya ng gadget loan upang makabili ng cellphone para sa kanilang tatlong anak, dalawang nasa hayskul at isang nasa ikaanim na baitang, na ginagamit nila sa online classes at pag-aaral. Samantala, ang educational loans naman ay nakatulong sa pagbili ng kanilang mga gamit sa paaralan at pagtugon sa iba pang pangangailangan sa eskwela.
Kamakailan, kumuha siya ng Sikap loan na ginawa niyang puhunan sa pagbebenta ng gulay at mga gamit sa bahay. Sinubukan din niyang palawakin ang kaniyang negosyo sa pamamagitan ng live selling. Inilalako niya ang kaniyang mga paninda sa online at personal na inihahatid ang mga ito sa mga kostumer.
Dahil sa pagiging aktibo at masipag niyang kliyente, nabigyan din siya ng pagkakataong matuto at mapaunlad ang kaniyang kakayahan. Napansin ng Unit Manager ng CARD Bank sa Rizal, Laguna ang kaniyang sipag at potensiyal kaya isinama siya sa mga training program ng CARD MRI tungkol sa pamamahala ng puhunan, pagtatala ng kita at gastos, at iba pang kaalamang pampinansyal. Sa mga pagsasanay na ito, mas natutuhan niyang ayusin ang daloy ng kaniyang pera at gamitin nang wasto ang kaniyang oras.
Napansin din ng kaniyang mga katrabaho ang pagiging maingat niya sa trabaho at ang malasakit niya sa ibang tao. Dahil dito, inirekomenda siya ng kaniyang yunit bilang MBA Coordinator. Tinanggap niya ang tungkulin dahil alam niya kung gaano kahalaga ang tulong at kapanatagan ng loob, lalo na sa panahon ng pangangailangan. Nais niyang makatulong sa kapwa kliyente upang mas mabilis at maayos nilang maasikaso ang kanilang insurance claims sa oras na kailanganin nila ito.
Sa dami ng kaniyang ginagawa, natutuhan ni Lorence na planuhin nang mabuti ang kaniyang oras upang mapagsabay ang trabaho bilang MBA Coordinator, pag-aalaga sa mga anak, at paghahanapbuhay. Sa pamamagitan nito, naipagpapatuloy niya ang kaniyang mga pinagkakakitaan habang unti-unting nadaragdagan ang kaniyang ipon sa bangko.
โLagi lang tayong tumingin sa ikabubuti,โ pagbabahagi ni Lorence. Kahit abala at nakapapagod kung minsan ang kaniyang mga gawain, masaya siya sa bawat bagay na nagagawa niya para sa kaniyang pamilya. May payo rin siya sa mga magulang na tulad niya na maraming responsibilidad na kailangang pagsabay-sabayin: โMag-aral lang ng time management at huwag masyadong magpa-stress.โ
Sa mga susunod na panahon, nais ni Lorence na magbukas ng negosyong bigasan at isang puwesto para sa photocopying at printing sa tapat ng kanilang bahay. Patuloy siyang nangangarap at gumagawa ng paraan upang maabot ang mga ito. Para sa kaniya, sa bawat pisong naitatabi at bawat minutong nagagamit nang tama, unti-unti niyang nailalapit ang kaniyang pamilya sa mas magandang kinabukasan.


