Connect with us

Lifestyle

Ulilang 4Ps Beneficiary, Naging Cumlaude

Published

on

Testimonya ni Ronnel V. Manuel
Benepisyaryo ng 4Ps

BANGA, Aklan-Ako po si Ronnel V. Manuel, isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Lumaki po ako sa isang pamilyang salat sa buhay, kung saan ang bawat araw ay puno ng pagsubok at sakripisyo. Sa kabila ng aming kahirapan, ang aking ina ang nagsilbing ilaw, gabay, at haligi ng aming tahanan. Siya ang nagsikap at nagbabanat ng buto upang matugunan ang aming pang-araw-araw na pangangailangan at mabigyan kami ng pagkakataong makapag-aral.

Maaga pong pumanaw ang aking ama noong ako ay anim na taong gulang pa lamang. Mula noon, ang aking ina na lamang ang nagtaguyod sa amin ng aking nakababatang kapatid. Hindi naging madali ang kanyang buhay dahil mag-isa niyang hinarap ang responsibilidad ng pagiging magulang. Nagtrabaho siya bilang katulong sa bahay upang may pambili kami ng pagkain, mga gamit sa paaralan, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Sa kabila ng hirap ng buhay, hindi kami pinabayaan ng aming ina. Itinuro niya sa amin ang kahalagahan ng pagiging responsable, masipag, at matatag sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Lagi niyang pinapaalala na hindi sa lahat ng pagkakataon ay naroon siya upang umalalay sa amin, kaya mahalagang matutunan naming maging responsable at tumayo sa sarili naming mga paa.

Ngunit noong 2022, dumating ang isa sa pinaka mabigat na pagsubok sa aming buhay nang pumanaw ang aming pinakamamahal na ina sa edad na 48. Sa pagkawala niya, tuluyan kaming naulila ng aking kapatid. Ako po noon ay papasok pa lamang sa unang taon ng kolehiyo, samantalang ang aking kapatid ay nasa Grade 7 pa lamang.

Bukod sa matinding lungkot at pangungulila, kailangan din naming harapin ang hamon kung paano maipagpapatuloy ang aming pag-aaral at matutustusan ang aming pang-araw-araw na pangangailangan. Wala na kaming mga magulang na masasandalan sa oras ng pangangailangan. Gayunpaman, pinili naming magpatuloy at gawing inspirasyon ang mga sakripisyo at aral na iniwan sa amin ng aming ina.

Malaking bahagi ng aming pagbangon ang tulong na natatanggap namin mula sa 4Ps. Bilang mga anak na nawalan ng parehong magulang, napakahalaga sa amin ng cash grants na nakatutulong sa pagtugon sa aming mga pangangailangan, lalo na sa edukasyon. Nagagamit namin ito sa pagbili ng mga school supplies, pagtugon sa mga gastusin sa mga gawain sa paaralan, at pagbili ng iba pang kagamitang kailangan sa pag-aaral. Malaking tulong din ang rice subsidy dahil nakatutulong ito sa pagbili ng bigas, na isa sa mga pangunahing pangangailangan ng aming pamilya.

Sa pamamagitan ng programang ito, kahit papaano ay nababawasan ang aming mga alalahanin sa pang-araw-araw na gastusin. Ang tulong na natatanggap namin ay nagbibigay sa amin ng pagkakataong maipagpatuloy ang aming pag-aaral sa kabila ng pagkawala ng aming mga magulang at ng mga hamong kinakaharap namin.

Mula nang pumanaw ang aking ina, inilipat sa akin ang pagiging benepisyaryo ng programa. Dahil dito, ako na rin ang dumadalo sa Family Development Sessions (FDS) kada buwan. Sa mga sesyong ito, marami akong natutuhang kaalaman na nagagamit ko sa aming pang-araw-araw na buhay, tulad ng tamang pagbabadyet, kahalagahan ng pag-iipon, responsableng paggamit ng pera, at pag-unawa sa mga programa at serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan.

Natutuhan kong unahin ang mga pangunahing pangangailangan, pagkasyahin ang perang mayroon kami, at maging mas maingat sa paggastos. Ang mga aral na ito ay hindi lamang nakatutulong sa aming kasalukuyang sitwasyon kundi magsisilbi ring gabay sa pagbuo ko ng mas maayos at matatag na kinabukasan para sa aming magkapatid.

Ang pinakamahalagang aral na natutuhan ko sa 4Ps ay ang kahalagahan ng edukasyon. Sa bawat Family Development Session, palaging binibigyang-diin ang papel ng edukasyon sa paghubog ng kinabukasan ng mga kabataan. Napagtanto kong ang edukasyon ay hindi lamang susi sa pagkakaroon ng magandang trabaho kundi isang mahalagang hakbang upang mapabuti ang kalagayan ng pamilya at magkaroon ng mas maraming oportunidad sa buhay.

Natutuhan ko rin na ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan ay isang mahalagang suporta upang matulungan ang mga pamilyang nangangailangan, ngunit mahalaga ring samahan ito ng pagsisikap, pagtitiyaga, at pagiging responsable. Para sa akin, ang 4Ps ay hindi lamang tungkol sa pinansiyal na tulong. Ito rin ay tungkol sa mga kaalaman, pagpapahalaga, at aral na nagbibigay sa amin ng lakas ng loob upang harapin ang buhay at magsikap para sa aming kinabukasan.

Sa kabila ng mga pagsubok na aming pinagdaanan, unti-unti na naming nakikita ang bunga ng aming pagsisikap at pagtitiyaga. Nitong taon lamang, matagumpay akong nakapagtapos ng kursong Bachelor of Arts in Communication sa Aklan State Universityโ€“Main Campus, na may karangalang Cum Laude. Para sa akin, ang tagumpay na ito ay hindi lamang bunga ng aking pagsisikap kundi patunay rin na ang kahirapan at mga pagsubok sa buhay ay hindi hadlang upang maabot ang mga pangarap.

Samantala, ang aking nakababatang kapatid ay kasalukuyang nasa Grade 12 na at patuloy ding nagsisikap upang makapagtapos ng pag-aaral. Ang aming mga natamong tagumpay ay nagsisilbing inspirasyon upang lalo pa kaming magsikap at patuloy na mangarap ng mas magandang kinabukasan para sa aming magkapatid.

Para sa akin, ang pagtatapos ko ng kolehiyo ay hindi lamang isang personal na tagumpay. Isa rin itong patunay na sa kabila ng pagkawala ng aming mga magulang, kahirapan, at iba pang pagsubok, posible pa ring makamit ang mga pangarap sa pamamagitan ng pagsisikap, pagtitiyaga, at tamang suporta. Ang aking pagtatapos ay isang hakbang tungo sa katuparan ng pangarap naming magkaroon ng mas magandang buhay.

Sa kasalukuyan, naghahanap ako ng trabaho kung saan magagamit ko ang aking pinag-aralan at kasanayan. Pangarap kong makapagsimula ng sariling hanapbuhay, makatayo sa sarili kong mga paa, at makatulong sa pagtustos sa pag-aaral at iba pang pangangailangan ng aking kapatid. Higit sa lahat, nais kong maging inspirasyon sa kanya upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, magsikap, at huwag sumuko sa kabila ng anumang hamon sa buhay.

Sa aking mga kapwa benepisyaryo ng 4Ps, nais ko pong iparating na huwag tayong mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Pahalagahan natin ang tulong na natatanggap natin at gamitin ito sa mga mahahalagang pangangailangan ng ating pamilya, lalo na sa edukasyon ng ating mga anak. Huwag nating kalimutan na ang bawat tulong ay isang pagkakataong makapagsimula, matuto, at unti-unting mapabuti ang ating kalagayan.

Ang kuwento ng aking buhay ay kuwento ng pagkawala, sakripisyo, pag-asa, at pagpupunyagi. Maaaring hindi ko na muling mayakap ang aking mga magulang, ngunit dala ko ang mga aral at sakripisyong iniwan nila sa akin. Sa bawat hakbang na ginagawa ko tungo sa aking mga pangarap, kasama ko ang kanilang mga alaala at ang pag-asang balang araw ay maibibigay ko sa aking kapatid ang magandang kinabukasang matagal naming pinapangarap.

Patuloy tayong magsikap, magtiyaga, at maniwala sa ating kakayahan. Higit sa lahat, huwag nating pabayaan ang edukasyon dahil isa ito sa pinakamahalagang pamana na maibibigay natin sa susunod na henerasyon. (Ipinasa ng Banga MOO, Aklan POO)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

Ati-Atihan Festival Hotel
Bread & Butter Biscocho de Boracay