Latest News
DRSTMH Nag-abiso Na Punuan Ng Pasyente

KALIBO, Aklan — Patuloy na nakararanas ng matinding pagdami ng mga pasyente ang Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital (DRSTMH), kung saan pumalo na sa 178% ang kanilang bed occupancy rate ngayong Lunes, Nobyembre 16, 2026.
Base sa pinakahuling census update ng ospital bandang alas-7:00 ng umaga, November 16, 2026 may kabuuang 534 na admitted patients (bukod pa sa 25 na well babies) ang kasalukuyang inaalagaan sa pasilidad, na malayo na sa authorized capacity nitong 300 kama lamang.
Hindi pa kasama sa nasabing bilang ang siksikan sa kanilang Emergency Room (ER), kung saan 69 na pasyente ang kasalukuyang naka-okupa sa 32-bed capacity nito—katumbas ng 215% ER bed occupancy rate.
Narito ang mga ward na may pinakamataas na bilang ng mga pasyente:
- Pedia Ward / PICU: 88 pasyente
- Medical Ward 1: 72 pasyente
- Medical Ward 2: 72 pasyente
- OB Ward 1: 66 pasyente (+13 Well Babies)
- OB Ward 2: 52 pasyente (+11 Well Babies)
Dahil sa sitwasyon, nananawagan ang pamunuan ng DRSTMH ng pang-unawa at kooperasyon mula sa publiko upang mapanatili ang maayos na serbisyo:
- Habaan ang pasensya: Prayoridad sa Emergency Complex at Out-Patient Department (OPD) ang mga kasong kritikal at nangangailangan ng agarang lunas.
- Sundin ang “One Bantay Policy”: Mahigpit na pinapaalalahanan ang mga bantay at bisita na sumunod sa mga patakaran ng ospital upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa loob ng mga ward.
- Magpakita ng malasakit: Hinihiling ng ospital ang respeto at pang-unawa para sa kanilang mga medical frontliners na patuloy na nagsisilbi sa kabila ng limitadong rekurso.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng DRSTMH sa patuloy na tiwala at suporta ng komunidad habang ginagawa nila ang lahat upang matugunan ang pangangailangang medikal ng mga Aklanon.


