
Ni: Mary Hope Zonio
Malay, Aklan- Inaasahang madagdagan pa ang flights ng mga airline companies sa Godofredo P. Ramos Airport sa Caticlan, Malay dahil sa nalalapit na Semana Santa dahil ito ang pinakamalapit na paliparan patawid sa Isla ng Boracay.
Kinumpirma ni Patrolman Lhar T. Talaga, Asst. PCR PNCO ng Caticlan Airport Police Station na mayroong kabuuang 84 flights sa nasabing paliparan na kinabibilangan ng 42 flights sa ongoing at 42 flights sa outgoing kasama dito ang international flight papunta sa Taiwan.
Ang nasabing biyahe ng mga eroplano ay posible pang madagdagan dahil sa peak season ngayon sa Isla ng Boracay na nangungunang bakasyunan ng mga turista.
Dagdag pa nito na umaabot na ngayon sa limang libo bawat araw ang numero ng mga pasahero dumadating sa paliparan. Dahil dito, nasa-full alert status naman umano sila upang masiguro at mabigyan ng ligtas na biyahe ang travelers.