
Ibajay, Aklan – BAGO matapos ang linggo ay nagtungo si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. nitong Oktubre 11 sa Western Visayas, partikular na sa mga lalawigan ng Aklan at Antique upang magpatuloy sa pamamahagi ng tulong sa kanyang mga kababayan.
Kamakailan lang ay naglibot si Revilla sa iba’t ibang panig ng Mindanao para pangunahan ang pagbibigay ng tulong para sa mga kapuspalad.
Maaga pa lang ng Biyernes ay lumipad na si Revilla patungo sa Kalibo, Aklan. Walang patumpik-tumpik ay pumunta agad ang mambabatas sa venue kung saan siya ay sinalubong ng halos 2,000 na tao na sabik makita siya at makatanggap ng tulong. Siya ay sinamahan ni Kalibo Mayor Juris Sucro.
Matapos nito ay agad naman dumako si Revilla sa Ibajay, Aklan kung saan siya ay sinalubong nina Aklan Gov. Joen Miraflores, former Gov. Florencio Miraflores, at ni Ibajay Mayor Miguel Miraflores. Kagaya ng sa Kalibo, 2,000 na mga Aklanon rin ang nakatanggap ng P2,000. Labis na ikinatuwa ng ating mga kababayang nahatiran ng tulong ang pagbisita sa kanila ng beteranong mambabatas.
Bandang hapon ay lumipad naman si Revilla papunta sa lalawigan ng Antique. Nagtungo ang lingkod-bayan sa University of Antique kung saan 2,000 rin ang nag-aantay upang makita ang senador. Kasa-kasama niya sa naging paghahatid ng tulong si Antique Rep. AA Legarda. Walang pagsidlan ng ligaya ang ating mga kababayang nakatanggap ng ayudang inihatid ng kanilang idolo.
“Masaya tayo kasi muli na naman nating nadalaw ang ating mga kababayan sa Western Visayas. At naging lalong makabuluhan ang ating punta dahil nakapag-abot tayo ng tulong sa kanila. Nakipagpulong din tayo sa mga gobernador at mga mayor para malaman kung paano pa tayo mas makakatulong sa ating mga kababayan sa mga lugar na kanilang nasasakupan,” saad ni Revilla.
“Di tayo magsasawang umagapay sa ating mga kababayan lalo na’t gusto lang naman nating ibigay ang tulong ng gobyerno na nararapat lang naman talaga nilang matanggap,” dagdag niya.
Habang naroroon ay hindi na rin pinalampas ni Revilla ang pagkakataon upang makipagpulong sa mga lokal na opisyal upang pag usapan kung paano pa mas makakatulong at makakatugon sa mga pangangailangan ng mga taga-Western Visayas. -30-