
Sa gitna ng tuluy-tuloy na pagbaba ng produksyon ng isda sa bansa, muling nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na magtatag ng isang hiwalay na kagawaran na tutok sa sektor ng pangingisda.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 417, iginiit ni Cayetano ang panukalang lumikha ng Department of Fisheries and Aquatic Resources o DFAR na tututok sa pangangalaga at pamamahala ng yamang-dagat ng Pilipinas.
Batay sa isang ulat, tinatayang umaabot sa 45,472 metric tons ng isda ang nawawala sa bansa kada taon sa nakalipas na isang dekada na siyang nagdudulot ng pangamba sa food security at long term stability ng sektor.
Kasabay nito, lumabas din sa isang pag-aaral na may capacity constraints ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR matapos maitala ang pagbawas ng 28 percent sa kanilang workforce mula 2017 hanggang 2023 kahit na nadagdagan ang kanilang mga tungkulin.
Dagdag pa rito, nananatiling kabilang sa pinakamahihirap na sektor sa bansa ang mga mangingisda ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority at Department of Social Welfare and Development.
Sa ganitong sitwasyon, sinabi ni Cayetano na kailangan na ng malawakang reporma sa istruktura ng pamahalaan para sa sektor.
โThe Philippines, being an archipelago with very rich marine resources, can be a marine powerhouse. Thus, it is logical to establish a Department that is focused and accountable for the development, management, and conservation of our country’s aquatic resources and fishing industries,โ ayon sa explanatory note ng SBN. 417.
Sa ilalim ng panukala, ang DFAR ang magiging pangunahing ahensya sa paggawa ng polisiya at regulasyon para sa sektor, na hiwalay sa Department of Agriculture.
Ayon kay Cayetano, mas nakatuon umano ang DA sa land-based farming.
โIt is time that the government provides for a focused, specialised department responsive to the needs and concerns of the fisheries and aquatic resource industry,โ wika ni Cayetano.
Layunin din ng panukala na labanan ang illegal fishing sa pamamagitan ng mas mahigpit na monitoring system,strict regulations, at mas maayos na koordinasyon sa mga law enforcement agencies at non-government organizations.
Inaasahan ding pag-isahin ng DFAR ang mga tungkulin na kasalukuyang hawak ng ibaโt ibang ahensya tulad ng BFAR, Philippine Fisheries Development Authority, at mga programang pang-dagat ng Department of Environment and Natural Resources upang maiwasan ang dobleng trabaho at mapabilis ang serbisyo.
Bagamaโt may iba pang panukalang nakabinbin sa Senado para tulungan ang mga mangingisda at protektahan ang municipal waters, iginiit ni Cayetano na mahalaga ang pagkakaroon ng iisang ahensyang may malinaw na pananagutan upang maibalik ang sigla ng sektor.
โThis will be a significant step in order to better protect, utilize, maximize, and conserve the nation’s marine resources as well as uphold the best interest of the fisherfolk,โ sabi niya.###