
KALIBO, Aklan- Inihayag ni Atty. Vic Rodriguez na isang aspirant sa pagka senador na isa siya sa mangunguna sa pagpuksa ng corruption sa buong bansa kapag siya ay nahalal sa senado sa darating na eleksyon 2025.
Bumisita si Rodriguez sa Vanyard Hotel sa Kalibo nitong Lunes sa imbitasyon ni Publishers Association of the Philippines Inc Johnny Dayang. Kasama din sa sumalubong sa kaniya sila dating Kalibo Mayor William Lachica, Yapak Barangay Captain Hector Casidsid, George Cawaling, isang aspirant sa pagka councilor ng Malay, Aklan at host ng Pulso Publiko ng Todo Radyo anchor Noel Cabobos.
Si Rodriguez ay kilala bilang dating executive secretary ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Inorganisa ni Cabobos ang kauna unahang correspondent summit sa Aklan sa pakikipag ugnayan sa Mata ng Masa Task Force(MMTF)-Aklan sa pangunguna ni Dr Sam Salmiron, national president at founder. Dumalo din sa pagtitipon ang mga campus journalists ng Aklan State University, Northwestern Visayan College at iba pa.
“Isa sa mga plano natin para masawata ang corruption sa bansa ay ang pagpapababa ng rekisitos para kasuhan ang isang pulitiko sa plunder law magmula P50 million ibaba eto sa P5 million,” pahayag ni Rodriguez sa isinagawang press conference.
Naniniwala si Rodriguez na sa pamamagitan ng paglaban sa corruption ay makakatipid ang gobyerno sa gastusin. Ang pagtitipid na ito ay layong madagdagan pa ang pondo para sa ikabubuti ng mamamayang Filipino.