Connect with us

Lifestyle

Batang 4Ps nangarap makaahon sa hirap kasama ang solong magulang

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay


Testimonya ni: Mikaela Demamay

Antique Provincial Exemplary 4Ps Child 2023

BELISON, Antique – Bawat bata ay may pangarap sa buhay. Ito ang tinatangi at hinahangad naming mga bata. Bago ko umpisahan ang aking maikling kwento ay nais ko munang ipakilala ang aking sarili sa inyo. Ako si Mikaela Demamay, or “Ella” ang tawag sa akin ng halos lahat kong mga kaibigan ko. Ako po ay labintatlong taon gulang at kasalukuyang nakatira sa Purok 3, Barangay Delima, Belison, Antique.

Isa ang aming sambahayan na mapalad na napabilang sa isang programa ng ating pamahalaan para sa katulad naming mga mahihirap ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Isang pinakamalaking pribilehiyo ang mapabilang sa ganitong uri ng programa dahil ang daming mahihirap din ang naghahangad na maging miyembro nito. Sa kasalukuyan pitong taon na kaming miyembro ng 4Ps at ito’y pinakamalaking biyaya na ipinagkaloob sa aming buhay.

Ang aking Ina ay si Maricel Magbanua Demamay, isang aktibong Parent Leader ng programa at Barangay Nutrition Scholar ng aming maliit at tahimik na komunidad. Dito ko na sisimulan ang aking maikling kwento. Ang aking ina ay isang solo parent. Noong ipinanganak ako ni Mama sobra ang naranasan niyang hirap dahil wala si Papa na sana’y katuwang at tutulong sa kanya sa mga gastusin katulad ng pambili ng gatas, diaper at gamot sa tuwing ako’y nagkakasakit. Tiniis lahat iyon ni Mama dahil sa sobrang pagmamahal niya sa akin. Habang nagkaisip na ako at lumalaki, nag-umpisa ng pumasok sa pag-aaral, marami ng trabaho ang kailangan pasukin at sakripisyo ni Mama.

Siya ay nakaranas na magtinda ng meryenda at ulam, naglalabada sa mga kapitbahay at nagtatrabaho bilang kasambahay sa Manila.

Naaalala ko pa noong nagtatrabaho si Mama sa Manila, ako ay naiwan sa aking tiyahin. Tiniis naming dalawa kahit malayo sa isa’t-isa para lang mapunan ang aking mga pangangailangan. Lahat iyon kinakaya ni Mama para lang may pang tustos siya sa lahat ng kailangan ko sa aking pag-aaral sa araw-araw.

Dagdag pa ang pangangailangan namin sa loob ng tahanan. Nakita ko lahat ng sakripisyo ng aking ina para sa akin kaya ginawa ko ang lahat para mapasaya at magiging proud si Mama. Hindi ako gumawa ng isang bagay na nakakasama ng loob niya, pinapakita ko sa kanya na isa akong mabuting anak dahil nakita ko na isa siyang strong and independent ina na walang sawang nagtataguyod sa akin. Isa akong consistent na honor student at maraming awards na natanggap dahil sumasali ako sa mga patimpalak sa aming paaralan kagaya ng sayaw at beauty pageant, at sa awa ng Poong Maykapal palagi akong nanalo at masaya ako dahil alam kong masaya din si Mama at laging naka suporta at umaalalay sa akin. Lahat ng panalo ko ay inaalay ko kay Mama.

Ang ipinangako ko kay Mama na mag-aaral akong mabuti dahil hindi hadlang ang kahirapan namin para hindi ko matapos ang aking pag-aaral. Bagkus ginawa ko itong inspirasyon para labanan lahat ng pagsubok sa buhay. Lagi kong iniisip na manalangin lagi sa Diyos na gabayan ako sa landas na aking tatahakin para masuklian ang mga paghihirap ng aking ina.

Ang aking ina ay may naipon at may naitabi na konting pera mula sa cash for work ng DOLE-Tupad na naging puhunan niya para makapagpatayo ng maliit na sari-sari store para may dagdag puhunan at kita para pangtustos namin araw-araw. Sa tulong din ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), isa sa mga adbokasiya ng programa ay magkaroon ng vegetable gardening kaya ang aking Ina bilang isang Parent Leader ay naging bahagi at lider sa pagpapatupad nito. Ang vegetables gardening ang nagsilbing mapagkukunan namin ng gulay, kaakibat ng rice subsidy na binibigay ng Pantawid Pamilya.

Isang malaking karangalan ang mapabilang sa programang ito. Programa para sa mahirap, programa para sa batang hindi kayang mag-aral, programa na makakatulong sa pangkalusugang aspeto. Para sa iba, maliit na halaga ng pera ang aming natatanggap pero pa sa amin ito ay isang malaking biyaya dahil I’am proud to say na isa akong Exemplary 4Ps child.

Kaya ako’y nagpapasalamat at patuloy na pagpupursigi na makapagtapos sa aking pag-aaral dahil alam ko kung kaya ng iba, mas kaya at kakayaning kong tumahak tungo sa kaunlaran. Salamat DSWD, salamat 4Ps dahil sa tulong ninyo maraming batang katulad ko ang nakapag-aral, nabigyan ng pangkalusugang pangangailangan at mga nanay na natuto ng ibat-ibang topiko sa Family Development Session (FDS) at sa dagdag na rice subsidy na mailapag sa aming hapag kainan. Ako po ulit si Mikaela Demamay, at ito ang aking kwento. Maraming salamat po! (Ipinasa ni: Mysel B. Caridad_ML-Belison, Antique)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

Continue Reading
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Bread & Butter Biscocho de Boracay