Connect with us

Lifestyle

Batang 4P’s Noon, Pulis Na Ngayon

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay

Testimonya ni: Patrolwoman Marienel I. Rapiz
Dating 4Ps monitored child
MALINAO, Aklan (Pagtataya)- Dati, may pagkakataon na ako ang kasama at tagabantay ng aking ina kapag kumukuha siya ng cash grants ng 4Ps. Pero ngayon, ako na ang tagabantay sa kapayapaan kung may payout ang 4Ps.

Tunay na bilog ang mundo. Kung babalikan ang aking nakaraan noon, salat man sa materyal na bagay, apat na pusong puno ng pangarap ang sabay-sabay na lumaban sa hamon ng buhay. Sa isang sulok ng Brgy. Kinalangay Nuevo, ng bayan na ito, nagsimula ang kwento ng aming pamilya—isang kwentong hinubog ng kahirapan ngunit pinatibay ng pag-asa, edukasyon, at pananampalataya sa Diyos.

Ako po si Marienel I. Rapiz, 28 taong gulang, panganay sa apat na magkakapatid. Lumaki kami sa isang payak na bahay na yari sa kahoy na luma, may mga butas ang dingding, at madalas kailangan ng pagkukumpuni. Kapag umuulan, may mga patak ng tubig na pumapasok sa aming tahanan at doon namin mas lalong naramdaman kung gaano kabigat ang kahirapan. Gayunman, sa kabila ng kakulangan, natutunan naming pahalagahan ang bawat munting biyayang dumarating.

Ang aking ama ay isang simpleng manggagawa at isang taong handang magbanat ng buto sa kahit anong trabaho upang kami ay mabuhay: laborer, construction worker, pintor, at welder. Ang aking ina nama’y isang mapagmahal at masipag na maybahay na kahit may karamdaman ay patuloy na lumalaban, itinatago ang pagod at sakit upang kami’y hindi panghinaan ng loob.

Hindi marangya ang aming pamumuhay. Naranasan naming mabuhay sa “isang kahig, isang tuka.” Ngunit sa bawat simpleng hapag-kainan, naroon ang aral ng pagtitiyaga at pasasalamat.

Dumating ang panahong tuluyan nang bumigat ang aming dinadala nang magkasakit ang aking ina. Unti-unting kinapos ang badyet ng aking ama, at doon ko unang naranasan ang matinding takot. Takot na baka mapilitan akong huminto sa aking pag-aaral. Madalas kong tanungin ang sarili ko: “Pangarap ko pa ba ang uunahin, o ang pangangailangan namin?” Sa murang edad, ako at ang aking ikalawang kapatid na si Renalyn ay nagtrabaho sa isang karinderya upang may pambili ng gamot ng aming ina at maipagpatuloy sa aming pag-aaral.

Sa gitna ng lahat ng ito, dumating ang tulong na hindi namin inaasahan. Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay naging liwanag sa aming madilim na panahon. Mula 2014, ang programang ito ay tumulong sa aming baon, pagkain, at mga gastusin sa paaralan. Hindi man nito lubos na tinanggal ang aming kahirapan bagama’t binigyan naman nito kami ng lakas ng loob na magpatuloy at mangarap.
Hindi rin nawala ang mga panahong kami ay hinusgahan at minamaliit dahil sa aming kalagayan. May mga sandaling bumababa ang aking loob, ngunit naniniwala akong may mga taong ipinapadala ang Diyos upang umalalay lalo na mga gurong umunawa, mga programang tumulong, at mga taong naniwala sa aming kakayahan kahit kami mismo ay nagdududa na.

Sa kabila ng lahat, ako ay nakapagtapos ng Bachelor of Computer Science sa Northwestern Visayan Colleges. Hindi naging madali ang paglalakbay, ngunit bawat patak ng pawis at luha ay naging hakbang patungo sa tagumpay. Naglingkod ako bilang SK Chairman ng aming barangay sa loob ng limang taon at tinanggap ang responsibilidad bilang breadwinner ng aming pamilya. Naging aktibo rin ako sa iba’t ibang organisasyon—bilang CAT at ROTC Officer, kasapi ng Supreme Student Council, at Treasurer sa aking ikatlo at ikaapat na taon. Kalaunan, ako ay nagtrabaho bilang Office Assistant sa isang pribadong paaralan, nag-aral ng units para sa pagtuturo, at nagsilbi sa World Vision at SK Federation ng Malinao.

Nang subukan kong kumuha ng NAPOLCOM Examination, tangan ko lamang ang aking pangarap at lahat ng pinagdaanang sakripisyo. Sa awa ng Diyos, ako ay pumasa at natupad ang aking minimithing maging public servant bilang pulis – isang propesyong hindi lamang simbolo ng tagumpay kundi ng pagbabalik-serbisyo sa komunidad na humubog sa akin.
Ngayon, buong puso kong ipinagmamalaki ang aming pamilya. Sa kabila ng matinding kahirapan, kaming apat na dating monitored children noon ay nakapagtapos ng kolehiyo ngayon.
Ako ay isa ng pulis; ang aking ikalawang kapatid na si Renalyn naman ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Criminology at ganap ng Registered Criminologist na kasalukuyang nasa pagsasanay sa pagpupulis; ang ikatlo na si Jasmine ay isang Licensed Professional Teacher na nagtapos ng BSED–Physical Education; at ang bunso na si Rica Ina ay nagtapos na Cum Laude sa kursong Bachelor of Technical-Vocational Teacher Education.
Kung may isang aral ang aming buhay na nais kong iwan, ito ay na habang may pananampalataya, pagsusumikap at mga pusong handang tumulong, walang pangarap ang imposibleng abutin. Sa muli, maraming salamat sa programang ito sapagkat sa panahong kami’y walang-wala, kayo ang naging sandigan at kaagapay namin hanggang sa makaya na naming tumayo. Bagama’t kami’y natapos na sa programa, kami ay taos-pusong masaya sapagkat nagamit namin ito sa tama.

PAGTATAYA

Nagsimula ang aking pakikipag-ugnayan sa 4Ps ng ang aking pamilya ay mapabilang bilang benepisyaryo noong 2014 at hindi naputol ang pakikipagtulungan ko dito ng ako ay maging bahagi ng Philippine National Police (PNP) noong 2023 hanggang sa kasalukuyan.

Ang PNP ay tumutulong sa programang 4Ps sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, lalo na sa panahon ng payout ng ayuda. Tinitiyak nito ang maayos at ligtas na pamamahagi ng benepisyo. Makatutulong ang PNP sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga patakaran sa pamayanan, pagbibigay ng mga panayam hinggil sa mga napapanahong isyu tungkol sa seguridad at pakikipag-ugnayan nito sa DSWD at lokal na pamahalaan upang maging maayos at epektibo ang implementasyon ng programa.

Sa aking palagay mapapaunlad pa ng 4Ps ang programa sa paraan ng mas malinaw pa na pagpapalaganap ng impormasyon at pagpapaigting ng Family Development Session (FDS) kung saan mas mauunawaan ng mga benepisyaryong pamilya ang tamang paggamit ng tulong-pinansyal upang mas mapakinabangan ito para sa edukasyon, kalusugan, at pang-araw-araw na pangangailangan. (Submitted by Municipal Link Reyrine G. Bautista of Malinao MOO, Aklan POO)

Bread & Butter Biscocho de Boracay