
By: Mary Hope Sizon
Umani ng papuri ngayon mula sa mga netizens sa social media ang isang Aklanon dahil hindi ito nagdalawang isip pa na isauli ang nakitang pera na nagkakahalaga ng 95,000 pesos.
Ayon kay Engr. Lhudy Cuatriz, lubos ang kanyang pasasalamat kay Denalyn Protacio Dalida ng Brgy. Polo, New Washington matapos na maibalik sa kanya ang kanyang pera dahil sa mga oras na iyon ay lubos niya din itong kinakailangan lalo na at may mahalaga siyang paggagamitan nito.
Samantala, inihayag din ni Dalida na masaya siyang naibalik sa tunay na nagmamay ari ang pera dahil para sa kanya ay hindi tamang pakialaman ang hindi pagmamay ari. Para naman makabawi sa kabutihang ginawa ni Dalida ay nagbigay rin ng konting halaga si Cuatriz at nangako pa ito na bukas siyang tumulong dito sa oras na ito rin ay nangangailangan ng kanyang tulong.
Maging ang New Washington Municipal Police Station ay ipinagmalaki rin ang ginawa ni Dalida at lubos rin ang pasasalamat sa pagiging isang mabuting halimbawa hindi lang sa probinsya ng Aklan kungdi maging sa buong mundo.