
Ni: Mary Hope Zonio
Kalibo Aklan——- Mahigpit ngayon na ipinapatupad ng Department of Trade and Industry o DTI-Aklan ang pag-obligada sa mga nagbebenta sa Kalibo Public Market na maglagay ng price tag sa kanilang mga paninda.
Ito ay kasunod ng nalalapit na Pasko kung saan mahigpit na binabantayan ng ahensiya ang mga nagbebenta upang maiwasan ang pang-aabuso ng mga ito sa mga mamimili.
Noong Disyembre 9 ay pinulong naman ng DTI ang mga negosyante upang muling paalalahanan sa multa na puwedi nilang harapin kung sakaling sila ay maglabag dito. Napag-alaman na umaabot sa P1000 hanggang 1M pesos ang multa sa mga negosyanteng maaktuhan ng tauhan ng DTI na hindi naglalagay ng presyo sa kanilang paninda.
Kaugnay nito, dismayado naman ngayon ang mga tindera ng isda dahil sa ipapatupad na price tag ng DTI. Ayon kay Rosalia Tampus, Presidente ng Fish Vendors Association na dagdag gastusin lamang para sa kanila ang nasabing panuntunan lalo na at pabago-bago ang kanilang presyo at hindi pare-pareho dahil magkaiba ang kanilang kinukuhaan ng suplay.
Sa ngayon aniya ay wala rin silang magawa kungdi sumunod sa batas dahil hindi naman umano nila gugustuhin na magbayad ng sobrang mahal na multa lalo na at hindi pa halos sila nakabawi dahil sa epekto na dulot sa kanila ng pandemya.