Business
Puhunan, Gamit, Gabay, Merkado; Higit 500,000 MSME, Target Na Makatangap ng Suporta ng Gobyerno sa 2027

P2.41-B DTI program para palawakin ang access sa Negosyo Centers, shared facilities, financing, at mga oportunidad sa merkado
Mula sa pagkuha ng payo kung paano magsimula o palawakin ang negosyo hanggang sa pagkakaroon ng access sa makinarya, financing, at mas malalaking merkado, mahigit kalahating milyong Pilipinong micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang target na makatanggap ng suporta ng gobyerno sa ilalim ng panukalang Fiscal Year (FY) 2027 National Budget.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), P2.412 bilyon ang panukalang pondo para sa MSME Development Program ng Department of Trade and Industry (DTI) upang matulungan ang 501,253 MSME sa buong bansa na mapahusay ang pagiging produktibo, mapatatag ang kanilang mga negosyo, at makipagsabayan sa lokal at pandaigdigang merkado.
Ang mga panukalang pamumuhunan ay direktang tumutugon sa mga hamon na naunang tinukoy ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang mga hadlang sa paglago ng maliliit na negosyo.
โMaraming MSME ang nahaharap sa ibaโt ibang hamon: Kakulangan ng puhunan, limitadong access sa mamimili, access to market, mabilis na pagbabago ng ekonomiya at ng teknolohiya,โ sinabi ni Pangulong Marcos sa paglulunsad ng Trabaho at Negosyo initiative noong Marso 2026.
Binigyang-diin ng Pangulo na kailangang mabigyan ng pamahalaan ang mga MSME ng โinspirasyon, suporta, at pagkakataon,โ habang nagsisikap ang administrasyon na mailapit sa mga Pilipino ang mga trabaho at economic opportunities.
Pinagtibay kamakailan ang direksyong ito nang mangako si Pangulong Marcos na palalawakin ang suporta ng pamahalaan para sa mga lokal na manufacturer, partikular ang mga MSME, upang mapatatag ang value chains ng bansa at makalikha ng mas maraming oportunidad sa produksyon at trabaho.
Para naman kay DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, ang pagsuporta sa mga MSME ay mahalagang bahagi ng pagsuporta sa mga tao at komunidad na umaasa sa mga ito. Kinikilala ng mga panukalang pamumuhunan na sa likod ng bawat maliit na negosyo ay isang Pilipinong nagsisikap na magkaroon ng kabuhayan, lumikha ng trabaho, suportahan ang pamilya, at mag-ambag sa lokal na ekonomiya.
Sa ilalim ng panukalang FY 2027 National Budget, P937.397 milyon ang ilalaan sa mga locally funded project na direktang tumutulong sa mga entrepreneur. Sa halagang ito, P472.468 milyon ang panukala para sa pagtatatag at operasyon ng Negosyo Centers, na nagbibigay sa mga entrepreneur ng tulong sa pagpaparehistro ng negosyo, mga serbisyong pagpapayo, impormasyon tungkol sa negosyo at adbokasiya, product development, trade promotion, at pagpapadali ng access sa financing.
Samantala, P464.929 milyon ang panukala para sa Shared Service Facilities Project, na nagbibigay sa mga MSME ng shared access sa teknolohiya, makinarya, kagamitan, kasangkapan, at iba pang pasilidad sa produksyon na maaaring hindi kayang bilhin ng maraming maliliit na negosyo nang mag-isa.
Sa pamamagitan ng access sa mas mahusay na kagamitan at teknolohiya, layunin ng programa na tulungan ang mga negosyo na maging mas episyente sa produksyon, mapahusay ang kalidad ng mga produkto, mabawasan ang mga hadlang sa produksyon, at makipagsabayan sa mas malalaking merkado.
Kasama rin sa panukalang budget ang P288.520 milyon para sa Rural Agro-Enterprise Partnership for Inclusive Development and Growth Project, isang foreign-assisted initiative na sumusuporta sa mga negosyong nasa kanayunan at nag-uugnay sa maliliit na producer sa mas matatag at mas inklusibong value chains.
MAS ABOT-KAYANG CAPITAL PARA SA MALILIIT NA NEGOSYO
Bilang nananatiling isa sa pinakamalaking hamon para sa mga Pilipinong entrepreneur ang access sa capital, naglalaan ang panukalang FY 2027 budget ng P840.170 milyon para sa Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso Program ng Small Business Corporation.
Inaasahang magbibigay ang programa ng abot-kayang financing support sa hindi bababa sa 40,000 MSME borrower, upang mas maraming maliliit na entrepreneur ang magkaroon ng access sa lehitimong financing na makatutulong sa pagpapatuloy o pagpapalawak ng kanilang negosyo.
Sa kabuuan, target ng DTI na matulungan ang 501,253 MSME sa FY 2027, katumbas ng 41 porsiyento ng mga MSME sa manufacturing, retail trade, construction, at services sectors. Layunin din nitong makapaglingkod sa 1.065 milyong kliyente sa pamamagitan ng mga Negosyo Center sa buong bansa.
Para sa DBM, ipinapakita ng mga pamumuhunang ito ang pagtutulak ng administrasyon na maabot ng paglago ng ekonomiya ang mga Pilipino hindi lamang sa pamamagitan ng malalaking imprastraktura at malalaking pamumuhunan, kundi maging sa pamamagitan ng maliliit na negosyong lumilikha ng trabaho, kabuhayan, at nagpapatuloy sa pag-ikot ng lokal na ekonomiya.
Ang panukalang P7.200-trilyong FY 2027 National Budget, na nakaangkla sa temang โPeople-Centered Growth for an Inclusive and Resilient Future,โ ay nagbibigay-prayoridad sa mga pamumuhunan na nagpapalawak ng mga oportunidad pang-ekonomiya, nagpapatatag sa mga negosyo, at nagsasalin ng paglago sa mas magandang kabuhayan at mas matatag na mga komunidad.


