Batay sa bagong survey ng Radyo Veritas sa mga kandidato sa pagkapangulo, panalo si Vice President Leni Robredo sa hanay ng mga Katoliko sa darating na halalan sa Mayo 9 dahil sa kanyang mga katangian bilang “servant leader.”
Ang survey, na tinawag na “Veritas Truth Survey”, ay ginawa mula Abril 1 hanggang 30 na may 2,400 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at may margin of error na plus-minus 3 percent.
Nasa 48 porsiyento ng respondents ang pinili si Robredo nang tanungin kung sino ang kanilang iboboto bilang pangulo batay sa kanilang paniniwala bilang Katoliko.
Pumangalawa si Ferdinand “Bongbong Marcos Jr. na may 38 porsiyento, may tig-5 porsiyento sina Senador Ping Lacson at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso habang may 2 porsiyento naman si Senador Manny Pacquiao.
Patok si Robredo sa mga botanteng edad 18-20, 21-39 at 61 anyos pataas, ayon kay Bro. Clifford T. Sorita, pinuno ng Veritas Truth Survey.
Nakakuha ang Bise Presidente ng 42 porsiyento sa 18 hanggang 20 anyos, 51 porsiyento sa 21 hanggang 39 anyos, at 77 percent mula sa mga botante na edad 61 anyos pataas.
“For the Catholic voters that served as respondents for this survey, this survey tells us that based on Catholic beliefs, VP Leni has a significant advantage over former Senator Marcos Jr.,” wika ni Radyo Veritas president/CEO Rev. Fr. Anton C.T. Pascual.
“Such results are an affirmation that for most Catholic voters, servant leader qualities are the basis of choice for these are deeply rooted in a Catholic’s values and beliefs,” dagdag pa niya.
Iginiit ni Fr. Pascual na iba ang “servant leadership” dahil ibinabahagi nito ang kapangyarihan, inuuna ang pangangailangan ng iba at tinutulungan ang mga tao na umunlad.