
By: John Oblanca
Hindi lahat ng manggagawang Pilipino ay may employer na nag-aasikaso ng benepisyo.
Marami ang umaasa sa sariling diskarte at sipag araw-araw na tinuturing na self-employed.
Malaya ang takbo ng oras at kita, pero may kaakibat itong responsibilidad. Kapag nagkasakit, naaksidente, o tumanda, walang kumpanyang sasalo. Dito nagiging mahalaga ang pagiging miyembro ng Social Security System o SSS bilang self-employed.
Sa ilalim ng SSS, ang self-employed ay sinumang naghahanap-buhay at kumikita nang walang employer. Ibig sabihin, ikaw ang boss at ikaw din ang nagpapatakbo ng pinagkakakitaan mo.
Kabilang dito ang mga propesyonal na may sariling practice tulad ng doktor, abogado, accountant, engineer, at iba pa. Kasama rin ang mga may sari-sari store, tricycle at jeepney driver, freelance designer, ahente ng real estate, magsasaka, mangingisda, market vendor, food
stall operator, transport operator, pati na ang mga nasa digital space gaya ng online sellers at content creators. Kahit hindi kalakihan ang kita, basta may regular na pinagkukunan ng income mula sa sariling hanapbuhay, maaari kang magparehistro bilang self-employed member. Ang mahalaga, malinaw na ikaw ay kumikita sa sarili mong pagsisikap.
Pagdating sa kontribusyon, buong halaga ang sagot ng self-employed dahil walang employer na kahati. Ang monthly contribution ay nakabase sa idinedeklarang buwanang kita at sa umiiral na contribution rate ng SSS. May minimum at maximum na salary credit na sinusunod. Kung mas mataas ang dineklarang kita, mas mataas ang hulog, at mas malaki ang posibleng benepisyo sa hinaharap. Maging tapat at resonable sa pagdeklara ng kita upang regular na makapaghulog ng kontribusyon. Maaaring magbayad ng kontribusyon kada buwan o quarterly.
Sa tulong ng My.SSS portal, puwede nang mag-generate ng Payment Reference Number (PRN) at magbayad sa online banking, mobile wallets, o accredited payment centers.
Ang self-employed member ay may access sa mahahalagang benepisyo ng SSS. May sickness benefit kung hindi makapagtrabaho dahil sa sakit. May maternity benefit para sa kababaihang miyembro bago o pagkatapos manganak o kapag nakunan. May disability benefit kung
magkaroon ng permanent partial o total disability. Pagdating sa edad na animnapu at wala ng kakayanang kumita, maaaring mag-file ng retirement benefit na magbibigay ng buwanang pensyon habambuhay o lump sum benefit kung sakaling hindi nabuno ang 120 buwan na
kabuuang kontribusyon. Kung sakaling pumanaw ang miyembro, may funeral benefit upang makatulong sa gastusin at may death benefit naman para sa mga naiwang dependents.
Mayroon ding loan privileges tulad ng salary at calamity loan para sa mga kwalipikadong miyembro na maaaring maging pansamantalang sandigan sa oras ng pangangailangan.
Tandaan, upang makakuha ng benepisyo o loan sa SSS, kailangang matugunan ng miyembro ang mga itinakdang qualifying conditions, lalo na ang bilang ng naitalang kontribusyon sa SSS.
Sa totoong buhay, mas mataas ang risk ng mga self-employed. Kapag hindi nakapagtrabaho, walang kita. Kapag huminto ang negosyo, apektado ang buong pamilya. Ang kontribusyon sa SSS ay hindi simpleng obligasyon kundi isang paraan ng pagprotekta sa sarili at sa kanilang mga mahal sa buhay. Isa itong safety net na maaaring hindi mo pansinin habang maayos ang takbo ng kita pero napakahalaga kapag dumating ang hindi inaasahan.
Kung ikaw ay self-employed at hindi pa rehistrado, panahon na para kumilos. Kung miyembro ka na ngunit hindi regular ang hulog, ayusin ito habang kaya pa. Ang paghahanda ay hindi dahil sa pangamba kundi para sa seguridad. Sa huli, ang tunay na sukatan ng pagiging responsable sa sariling hanapbuhay ay hindi lamang kung gaano kalaki ang kinikita, kundi kung paano mo pinoprotektahan ang iyong kinabukasan.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i- follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Para sa inyong katanungan, maaaring tumawag sa SSS Hotline 1455 para sa mga paglilinaw, o anumang paksa tungkol sa SSS. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph para sa inyong concerns at katanungan. ###