
Ni: Shaine Sorrosa
Ibajay, Aklan- Patuloy na ipinagdiriwang ng mga residente ng Barangay Rizal sa bayan ng Ibajay, Aklan ang kakaibang tradisyon tuwing Undas na tinatawag na “Kaeag-Kaeag”—isang kaugalian na maihahalintulad sa “Trick or Treat” ngunit may natatanging tatak Akeanon.
Isinasagawa ang Kaeag-Kaeag tuwing gabi ng Nobyembre 1. Sa oras na bumaba ang dilim, maririnig sa buong barangay ang mga sigaw ng mga bata ng “Pangaeag!” o “Gapangaeag kami!” habang nag-iikot sa mga bahay. Hila-hila nila ang kanilang mga kangga—maliit na karwaheng yari sa tangkay ng saging na may nakasinding kandila sa gitna.
Ang kangga ay itinuturing na simbolo ng mga kaluluwa. Kapag pinagmasdan sa malayo, animo’y mga ilaw ng mga espiritu ang dahan-dahang gumagalaw sa kalsada. Sa bawat bahay na kanilang dinaraanan, tinatanggap ng mga bata ang mga kakaning gaya ng suman, biko, at pinais, sa halip na mga kendi o tsokolate.
Pinaniniwalaang nagsimula ang tradisyong ito noong dekada 1950 at isinasagawa hanggang sa kasalukuyan. Bahagi rin ng paghahanda ng mga residente ang pagtatanim ng mga punong saging sa gilid ng kalsada upang magamit sa paggawa ng kangga—isang simbolikong paraan ng paggunita sa mga kaluluwa ng mga yumaong ninuno.
Bagaman nagbabago na ang paraan ng pagdiriwang ng Undas sa maraming lugar, nananatiling matatag ang Kaeag-Kaeag bilang bahagi ng pagkakakilanlan ng mga taga-Barangay Rizal. Sa bawat sindi ng kandila at sigaw ng “Pangaeag!”, muling nabubuhay ang diwa ng tradisyong minana pa sa mga ninuno.