
Ni: John Oblanca
Sa dami ng bayarin na iniintindi ng isang Pilipino buwan-buwan, madalas napapansin lang ang
SSS contribution kapag kailangan na ang benepisyo. Halimbawa kapag may sakit, manganganak, o magreretiro na. Ngunit ang mga benepisyong ito ay hindi awtomatikong natatamo sa oras ng pangangailangan. Ang mga ito ay bunga ng disiplina sa regular at tamang pagbabayad ng kontribusyon.
Kung walang tuluy-tuloy na paghuhulog, hindi lubos na masusukat ang tunay na halaga ng pagiging miyembro ng SSS. Dito ngayon pumapasok ang usapin ng contribution payment deadlines.
Ang Social Security System (SSS) ay itinayo bilang pangmatagalang proteksyon ng mga
manggagawa at kanilang pamilya. Ang bawat hulog ay may katapat na benepisyo, at ang bawat
pagkaantala ay may katumbas na epekto. Kaya mahalagang maunawaan kung kailan dapat
magbayad ng kontribusyon at ano ang mangyayari kapag nahuli o nakaligtaan ito.
Para sa mga employer, malinaw ang panuntunan. Ang kontribusyon ng kanilang mga
empleyado ay dapat bayaran sa huling araw ng buwan kasunod ng applicable month.
Halimbawa, ang kontribusyon para sa buwan ng Disyembre 2025 ay dapat bayaran hanggang
huling araw ng Enero 2026. Ganito rin ang sinusunod ng mga household employer. Hindi ito
simpleng administrative requirement lamang. Responsibilidad ng employer na pangalagaan ang
karapatan at benepisyo ng kanilang mga manggagawa.
Para naman sa individual paying members tulad ng self-employed, voluntary, at non-working
spouses, may kaluwagan sa paraan ng pagbabayad dahil maaari silang magbayad buwanan o
quarterly. Ngunit malinaw ang deadline: huling araw ng buwan kasunod ng applicable calendar
quarter. Ibig sabihin, ang kontribusyon para sa buwan ng Enero hanggang Marso ay kailangang
bayaran bago matapos ang buwan ng Abril. Kung sakaling tumapat ang deadline sa Sabado,
Linggo, o holiday, pinapayagan ang pagbabayad sa susunod na working day.
May mas maluwag at akmang iskedyul ng pagbabayad ng kontribusyon naman para sa mga
magsasaka, mangingisda, at iba pang self-employed na kabilang sa informal economy. Ngayon,
maaari nang magbayad para sa alinmang buwan sa nakalipas na 12 buwan, sa kahit anong
buwan ng kasalukuyan.
Ginawa ito dahil hindi regular ang kita ng ating mga magsasaka at mangingisda. Kadalasan
dalawang beses lang sa isang taon ang ani, at may mga buwan na halos walang kita. Ngayon,
puwede nang iayon ang pagbabayad ng kontribusyon sa panahon ng magandang kita.
Sa kaso ng land-based OFWs, mas flexible ang kanilang payment schedule. Ang mga
kontribusyon mula Enero hanggang Setyembre ay maaaring bayaran hanggang Disyembre 31
ng parehong taon, habang ang hulog para sa Oktubre hanggang Disyembre ay dapat bayaran
bago matapos ang Enero ng susunod na taon.
Pinapayagan din ng SSS ang advance payment. Isang magandang opsyon ito lalo na para sa
mga nais makasigurong tuloy-tuloy ang hulog. Ang household employers ay maaaring
magbayad ng hanggang isang taon nang maaga, habang ang self-employed, voluntary, non-
working spouses, at OFW members ay maaaring mag-advance ng kontribusyon para sa ilang
buwan o taon, depende sa kakayahan nila.
Gayunpaman, kailangang maging maingat. Kapag may pagbabago sa contribution rate o
Monthly Salary Credit (MSC) at mas mababa ang naunang ibinayad, maaaring magkaroon ng
underpayment. Kailangang bayaran ang kakulangan upang maitama ang record. Kapag hindi
ito naayos, maaaring bumaba ang MSC ng contribution at direktang maapektuhan ang halaga
ng benepisyo sa hinaharap.
Mahalaga ring tandaan na sa oras ng contingency tulad ng sickness, maternity, disability,
unemployment, retirement, death o funeral, tanging ang mga kontribusyon na naihulog bago
ang semester ng contingency ang isinasama sa pagkukuwenta ng benepisyo. Ang mga hulog na lampas na sa panahong iyon ay hindi na makakadagdag sa benepisyo at maaari lamang magamit sa mga susunod na benepisyo.
Kapag lumampas na sa itinakdang palugit sa paghuhulog, malaki ang magiging epekto nito.
Para sa mga employer, may kaakibat na multa na dalawang porsyento (2%) sa bawat buwan ng pagkaantala, bukod pa sa posibleng pananagutan sa kanilang mga empleyado. Para naman sa individual paying members, hindi pinapayagan ang late payment. Ang mga buwang hindi nabayaran ay mananatiling butas sa contribution record at hindi na maaaring habulin.
Para sa employer, ang pagkukulang ay maaaring magdulot ng pagkawala ng benepisyo ng empleyado sa oras ng pangangailangan. Para sa indibidwal, ang isang buwang nakaligtaan ay maaaring magpababa ng pensiyon o magtanggal ng eligibility sa ilang benepisyo. Isang simpleng delay ngayon, bukas ay pangmatagalang epekto.
Kaya naman ngayong panahon ng digital payments, mas pinadali na ang pagbabayad ng SSS contributions. May partner banks, e-wallets, mobile apps, at online portals na bukas halos araw- araw. Hindi na teknikal ang hamon kundi disiplina. Kung nagagawa nating magbayad ng iba pang buwanang bayarin sa oras, dapat mas lalo nating bigyang-halaga ang kontribusyong nagsisilbing safety net ng ating kinabukasan.
Sa huli, ang SSS contribution ay hindi dagdag-pasan kundi proteksyong pinaghahandaan. Ang pagsunod sa deadline ay hindi lamang pagsunod sa patakaran, kundi isang desisyong may malinaw na pakinabang. Ang pagiging maagap ngayon ay katiyakan ng tulong at benepisyo sa tamang panahon.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i- follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber โ hanapin lang ang MYSSSPH. Para sa inyong katanungan, maaaring tumawag sa SSS Hotline 1455 para sa mga paglilinaw, o anumang paksa tungkol sa SSS. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph para sa inyong concerns at katanungan. ###