
By: John Oblanca
Noong nakaraang buwan, tinalakay natin ang tungkol sa MySSS Pension Booster at kung paano ito nagsisilbing dagdag ipon para sa pagreretiro. Ilang araw matapos mailathala ang artikulo ay may isang miyembro ang nag-message sa atin. Simple pero diretso ang kanyang tanong: “Sir, nabasa ko po ’yung tungkol sa Pension Booster. Interesado ako. Paano ko ba mapapalago ang retirement savings ko rito at paano ko ito makukuha pagdating ng retirement?”
Sa totoo lang, ito ang klase ng tanong na gusto kong marinig. Ibig sabihin, mas maraming miyembro ang nag-iisip na ngayon tungkol sa kanilang future. Bago natin sagutin ang kanyang tanong, balikan muna natin ang konsepto at mga pangunahing features ng programa.
Ang MySSS Pension Booster ay isang voluntary provident fund program ng SSS. Ibig sabihin, hiwalay ito sa regular na SSS contributions mo. Hindi ito kapalit ng pension mo dahil pandagdag ang MySSS Pension Booster upang lumaki ang matatanggap mo sa SSS. Para itong personal retirement fund na nakakabit sa iyong SSS membership.
Sino ang puwedeng sumali? Halos lahat ng aktibong SSS members na may kahit isang posted contribution at wala pang final benefit claim. Employed ka man, self-employed, voluntary o OFW ay maaari kang mag-enroll. Walang discrimination kung maliit o malaki ang kita. Ang mahalaga, handa kang magtabi para sa hinaharap.
Ngayon, paano mo nga ba “ibo-boost” ang retirement savings mo rito?
Una, magsimula ka. Ang minimum na hulog ay ₱500 kada payment. Walang fixed monthly obligation. Kung may extra ka ngayong buwan, puwede kang maghulog. Kung medyo tight ang budget, puwede mong i-adjust. Ang importante, tuloy-tuloy ang disiplina.
Pangalawa, samantalahin ang flexibility. Dahil voluntary ito, ikaw ang may kontrol kung magkano ang iyong ihuhulog. Hindi ka naka-lock sa mataas na commitment. Pero kung seryoso ka talagang palakihin ang retirement fund mo, mas mainam kung gagawin mo itong regular. Kahit minimum na P500 kada buwan, basta consistent ka sa paghuhulog.
Pangatlo, unawain ang investment side. Ang contributions mo ay ini-invest ng SSS, at ang kinikita nito ay idinadagdag sa iyong total savings. Ang magandang balita: tax free ang contributions at investment earnings. Ibig sabihin, buo mong makukuha ang ipon at kita pagdating ng panahon. Sa panahon ngayon na halos lahat may kaltas, malaking bagay ang “walang bawas.”
Ang enrollment naman ay ginagawa sa My.SSS account. Mag log-in ka lang sa iyong My.SSS member account, piliin ang Pension Booster sa ilalim ng Services tab, at tanggapin ang terms and conditions upang makapag enroll. Para naman sa mga mag aapply pa lamang ng SS number, maaari nang isabay ang pag enroll sa MySSS Pension Booster habang kinukumpleto ang online SS number application sa website ng SSS. Ibig sabihin, sa pagkuha pa lang ng SS number ay maaari ka nang mag sign up sa programa. Simple ang proseso at madali ring ma monitor ang iyong mga hulog online kaya mas kontrolado mo ang iyong dagdag ipon para sa pagreretiro.
May malinaw na payout options ang MySSS Pension Booster. Sa oras na mag-file ka ng final benefit claim tulad ng retirement, maaari mong piliin kung kukunin mo ang iyong naipon bilang lump sum o isang bigayan, o ipapaconvert mo ito bilang dagdag sa buwanang pension, o kombinasyon ng dalawa. Ibig sabihin, may flexibility ka kung paano mo gustong gamitin ang pinaghirapan mong ipon.
May withdrawal provisions din bago pa ang retirement, pero may kondisyon. Sa unang taon ng membership, limitado ang withdrawal at karaniwang pinapayagan lamang sa mga sitwasyong may matinding pangangailangan, gaya ng kritikal na karamdaman o involuntary separation. Sa ikalawa hanggang ikaapat na taon, maaari nang mag-withdraw pero maaaring may bawas sa investment income depende sa tagal ng pananatili sa programa. Mula sa ikalimang taon pataas, mas maluwag na; maaari nang mag-withdraw nang walang bawas sa kita.
Pero real talk: kung ang goal mo ay palakihin ang retirement fund mo, mas mabuting hayaan itong lumago hangga’t maaari. Ang maagang pag-withdraw ay parang pagputol sa punong hindi pa ganap na namumunga.
Para sa mga miyembrong nais nang mag withdraw ng kanilang ipon sa ilalim ng MySSS Pension Booster, kinakailangan munang magsumite ng request nang personal sa alinmang sangay ng SSS dahil manual filing pa ang proseso sa kasalukuyan. Kailangang magpasa ng duly accomplished Request o Verification Form na maaaring i download mula sa opisyal na website ng SSS, kasama ang photocopy ng valid ID at mga bank documents kung nais ang direct credit sa sariling bank account. Mahalaga na kumpleto at tama ang impormasyong ilalagay upang maiwasan ang delay o abala sa pagproseso.
Pagkatapos maisumite ang kumpletong requirements, daraan ang request sa evaluation, processing at approval. Ang crediting ng naipong pondo ay karaniwang isinasagawa sa loob ng 20 working days. Inaasahan din na sa lalong madaling panahon ay magiging available ang online application para mas maging mabilis at mas maginhawa ang proseso ng withdrawal para sa mga miyembro.
Bilang paalala, ang MySSS Pension Booster ay boluntaryong ipon para sa mas matatag na pagreretiro kaya habang kaya pa at may extra, mainam na taasan din ang kontribusyon. Kung mas mataas ang hulog ngayon ay mas malaki ang maiipon bukas. Hindi lang ito basta paghuhulog kundi paghahanda para sa panahong hindi na regular ang kita. Ang disiplina sa pag iipon ngayon ang magbibigay ng dagdag na seguridad sa hinaharap.
Sa huli, ang MySSS Pension Booster ay hindi magic solution. Hindi nito agad dodoblehin ang pera mo overnight. Pero ito ay konkretong hakbang para hindi ka umasa sa iisang source ng pension pagdating ng araw. Kung may kakayahan kang magtabi kahit ₱500 paminsan-minsan, may kakayahan ka ring palakasin ang retirement plan mo.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Maaari ring magpadala ng email sa oblancajd@sss.gov.ph, ang local na email address sa rehiyon para sa inyong katanungan, o tumawag sa SSS Hotline 1455 para sa mga paglilinaw, o anumang paksa tungkol sa SSS. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph para sa inyong concerns at katanungan. ~ Bok Acnalbo