Connect with us

Lifestyle

SSS “Kasambahay” Coverage: Proteksyon sa loob ng tahanan

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay

Sa maraming tahanan sa Pilipinas, may mga taong tahimik na tumutulong upang maging maayos ang pang araw-araw na buhay ng isang pamilya. Sila ang nag-aalaga ng bata, nagluluto ng pagkain, naglilinis ng bahay, at minsan ay nagiging bahagi na rin ng pamilya. Sila ang tinatawag nating kasambahay. Ngunit sa kabila ng mahalagang papel na ginagampanan nila sa ating mga tahanan, matagal na panahon na rin silang kabilang sa mga sektor na kadalasang hindi nabibigyan ng sapat na proteksiyon sa trabaho.

Mabuti na lamang at malinaw ang batas tungkol dito. Sa ilalim ng mga umiiral na batas tulad ng Social Security Act of 2018 at ng Batas Kasambahay, ang mga kasambahay ay may karapatan na maging miyembro ng Social Security System (SSS). Sa katunayan, ang kanilang pagiging miyembro ay hindi lamang opsyonal kundi mandatory. Ibig sabihin, kailangang siguraduhin ng kanilang household employer na sila ay nakarehistro at nabibigyan ng kaukulang kontribusyon sa SSS.

Ang kasambahay ay tumutukoy sa sinumang nagtatrabaho sa isang tahanan kapalit ng sahod o bayad sa loob ng isang employer-employee relationship. Kabilang dito ang mga househelper, yaya, kusinero, hardinero at labandera na nagtatrabaho ng regular sa isang pamamahay. Hindi kasama sa depinisyon ang mga taong paminsan-minsan o part-time lamang nagbibigay ng serbisyo sa bahay at hindi ito ang kanilang pangunahing hanapbuhay.

Ang layunin ng SSS coverage para sa kasambahay ay simple ngunit napakahalaga. Ito ay upang matiyak na kahit sila ay nagtatrabaho sa loob ng bahay at hindi sa isang opisina o kumpanya, mayroon pa rin silang proteksiyon laban sa mga hindi inaasahang pangyayari sa
buhay.

Kapag ang isang kasambahay ay rehistrado sa SSS at may sapat na kontribusyon, maaari siyang makatanggap ng iba’t ibang benepisyo.

Kabilang dito ang sickness benefit kung siya ay magkasakit at pansamantalang hindi makapagtrabaho. Mayroon ding maternity benefit para sa mga babaeng miyembro na manganganak. Kung sakaling magkaroon ng temporary o permanent disability, maaari rin silang makatanggap ng disability benefit. At higit sa lahat, may pension na maaaring matanggap pagdating ng kanilang pagreretiro.

Hindi lamang ang mismong kasambahay ang nakikinabang sa mga benepisyong ito. Kapag may nangyaring hindi inaasahan tulad ng pagkamatay ng miyembro, ang kanilang mga dependents tulad ng asawa at menor de edad na mga anak ay maaari ring makatanggap ng
death benefit o survivor pension. Sa madaling salita, ang SSS ay nagsisilbing safety net hindi lamang para sa manggagawa kundi pati na rin sa kanilang pamilya.

Mahalagang tandaan na may malinaw na obligasyon ang mga household employer pagdating sa SSS coverage ng kanilang kasambahay.

Una, kailangan nilang irehistro ang kanilang sarili bilang household employer sa SSS kung hindi pa sila rehistrado. Pangalawa, kailangan i-report ang kanilang kasambahay sa SSS bilang empleyado. At pangatlo, kailangan nilang siguraduhin na ang buwanang kontribusyon sa SSS ay naihuhulog sa tamang oras.

Sa ilalim ng Batas Kasambahay o Republic Act No. 10361, kung ang sahod ng kasambahay ay P5,000 pababa, obligasyon ng household employer na sagutin ang buong kontribusyon sa SSS.

Ito ay isang paraan upang hindi na mabawasan pa ang kinikita ng kasambahay na karaniwang maliit lamang kumpara sa ibang uri ng trabaho.

Maaaring isipin din ng ilan na dagdag na responsibilidad ito para sa mga household employer.

Ngunit kung susuriing mabuti, ito ay isang makabuluhang na hakbang na may malaking epekto sa buhay ng isang tao. Ang isang kasambahay na may SSS coverage ay may mas malaking kapanatagan ng loob dahil alam niyang may masasandalan siya sa oras ng pangangailangan.

Sa mas malawak na pananaw, ang pagbibigay ng social security protection sa kasambahay ay hindi lamang usapin ng pagsunod sa batas. Ito ay usapin ng dignidad at pagkilala sa halaga ng kanilang trabaho. Ang mga taong nag-aalaga sa ating tahanan ay karapat-dapat ding alagaan
ng sistema.

Sa huli, ang tunay na sukatan ng isang lipunan ay kung paano nito tinatrato ang mga manggagawang madalas ay hindi napapansin. Kung nais nating maging mas makatarungan ang ating lipunan, kailangan nating siguraduhin na kahit ang mga kasambahay na tahimik na
naglilingkod sa ating mga tahanan ay may proteksiyon, seguridad, at pag asa para sa kanilang kinabukasan.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i- follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Para sa inyong katanungan, maaaring tumawag sa SSS Hotline 1455 para sa mga paglilinaw, o anumang paksa tungkol sa SSS. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph para sa inyong concerns at katanungan. ###

 

Continue Reading
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Bread & Butter Biscocho de Boracay