
Ni: Mary Hope Zonio
Kalibo Aklan——–Pormal ng binuksan ang substation ng Bureau of Fire Protection (BFP) Kalibo sa Brgy. Estancia sa pangunguna ni CSUPT. Jerry Candido, regional director ng BFP Region 6.
Maliban kay Supt. Candido ay nagtambong rin sa nasabing inagurasyon sina Kalibo Mayor Juris Sucro, Vice Mayor Cynthia Dela Cruz, SB Member Matt Aaron Guzman at Sb Member Christine Dela Cruz.
Samantala, andiyan rin ang presensiya ng mga BFP personnel mula sa iba’t ibang bayan sa Aklan. Sa naging mensahe ni Barangay Kapitan Daisy Andrade, sinabi nito na noong lumapit sa kanya ang BFP upang ipaabot ang kanilang planong magpatayo ng substation sa kanilang Barangay ay agad siyang pumayag dahil sa malaki ang maitutulong nito hindi lamang sa kanilang lugar kungdi maging sa buong lalawigan.
Ipinaabot naman ni Chief Superintendent Candido sa kanyang mensahe ang kanyang pasasalamat sa LGU-Kalibo at sa mga barangay officials ng nasabing barangay dahil sa ipinapakitang suporta sa kanilang magandang hangarin. Aniya ang pagkakaroon ng substation sa Brgy. Estancia ay upang maipaabot ng maayos sa publiko ang lahat ng serbisyo mula sa BFP.
Pinaalahanan rin nito ang mga BFP personnel na dapat ay huwag nang gumawa pa ng dahilan kungdi gawin na lamang ang trabaho lalo na ang agarang pagresponde sa mga nagyayaring insidente at aksidente.
Samantala pinuri rin ni CSUPT. Candido ang mga Fire Marshall sa bayan ng Balete, Ibajay at Malinao dahil sa nakuhang promotion.