
Ni: Mary Hope Zonio
Inihayag na ngayon ng lokal na gobyerno sa Kalibo ang kanilang kahandaan para sa nalalapit na Opening Salvo ng Kalibo Sr. Santo Niño Ati-atihan Festival 2023 sa araw ng Sabado, Setyembre 8.
Ayon sa tagapagsalita ng LGU-Kalibo na si Brgy. Kagawad Mark Sy na wala ng pagbabago sa kanilang mga programa kung kaya’t sinisiguro nito na nakahanda na sila sa nasabing aktibidad.
Samantala, maliban umano sa kanilang naimbitahan na mga artisa at banda ay mayroon ring magiging performance ang sikat na rockstar noong dekada 90 matapos na mag-alok ang Kalibo Ostrich Farm na sila ang magbabayad dito bilang tulong sa LGU. Mayroon ring gaganaping food festival mula Setyembre 7 hanggang 9.
Dagdag pa nito na hanggang ngayon ay wala pa silang kumpirmasyon na natatanggap hinggil sa pagdating ni Vice President Sara Duterte na nauna nang inimbitahan ni Aklan 2nd Districl Congressman Teodorico Haresco na pumunta upang masaksihan ang kauna-unahang 100 days report ni Mayor Juris Sucro.
Sa kabilang dako, kinumpirma rin aniya ni Mayor Sucro na magkakaroon ngayon ng pagtaas sa ibibigay sa premyo sa mga mananalo sa Ati-atihan festival na umaabot sa 1 million pesos para sa grand prize winner.
Ngunit aantayin pa umano nila ang opisyal na anunsiyo ng Kalibo Ati-atihan Festival Board kung saang kategorya ito ibibigay.