
Ni: Mary Hope Zonio
Kalibo Aklan— Nakatutok ngayon ang opisina ng Land Transportation Office o LTO-Aklan sa mga hindi rehistradong sasakyan matapos ang kumakalat na balita may kinalaman sa kidnapping incidents na kinasasangkutan ng puting van.
Ayon kay Engr. Marlon Velez, hepe ng LTO-Aklan na mas pinalakas pa nila ang kanilang pagbantay sa mga sasakyan na hindi pa nakarehistro at walang kompletong dokumento.
Aniya, dapat na samantalahin ng mga may ari ng sasakyan ang kanilang programa ngayon na “Oplan Balik Rehistro” kung saan tinutulungan nila ang mga eto na maayos ang kanilang mga dokumento.
Pinahaba rin nila ng isa pang buwan ang palugit para sa pagrenew ng mga expired na rehistro ng walang babayaran na penalidad. Base sa record, nasa konting numero na lamang ang mga sasakyan sa Aklan na hindi rehistrado.
Dagdag pa nito na puweding humarap sa P12,000 pesos na penalidad ang mga sasakyan na expired ang rehistro at mayroon rin itong epekto sa validity ng kanilang driver’s license dahil sa traffic violation.
Kamakailan, inutos ni PNP Chief Rodolfo Azurin sa HPG katuwang ang LTO na mas paigtingin ang kampanya laban sa mga unregistered vehicles dahil sa pagtaas ng numero ng insidente ng krimen sa bansa.