
Ni: John Oblanca
Isa sa mahalagang programa ng Social Security System (SSS) para sa mga pensyonado ay ang Annual Confirmation of Pensioners o ACOP. Layunin nitong tiyakin na ang mga tumatanggap ng pensyon ay patuloy na kwalipikado at buhay pa upang maiwasan ang maling pagbabayad ng benepisyo. Sa pamamagitan nito, napoprotektahan ang pondo ng mga
miyembro at napapanatili ang integridad ng sistema ng pensyon.
Ang ACOP ay isang taunang proseso kung saan kinukumpirma ng pensyonado ang kanyang status upang matiyak ang tuluy-tuloy na pagtanggap ng buwanang pensyon. Kabilang sa mga kailangang sumunod dito ang retirement pensioners na 80 taong gulang pataas na naninirahan sa Pilipinas, retirement pensioners na nasa ibang bansa, total disability pensioners, survivorship o death pensioners, at dependent children na nasa ilalim ng guardianship.
Upang higit pang mapadali ang pagsunod sa ACOP, naglunsad ang SSS ng bagong digital na opsyon. Ito ay ang facial authentication with liveness check. Sa halip na pumunta pa sa tanggapan ng SSS, maaari nang kumpletuhin ng mga kwalipikadong pensionado ang kanilang ACOP compliance online gamit lamang ang isang device na may camera tulad ng cellphone, tablet, o computer.
Sa bagong facial authentication option ng SSS, maaaring gamitin ng mga pensyonadong nakarehistro sa Philippine Identification System o National ID ang online verification. Kabilang dito ang retirement pensioners na 80 taong gulang pataas na nasa Pilipinas, retirement pensioners na nasa ibang bansa, at survivorship pensioners. Ginagamit sa prosesong ito ang biometric verification sa ilalim ng PhilSys eVerify system ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pamamagitan ng facial scan, napapatunayan ang pagkakakilanlan ng pensyonado sa isang mabilis at ligtas na paraan.
Mayroon din itong tinatawag na liveness check na tinitiyak na ang nagsasagawa ng verification ay isang tunay at buhay na tao, at hindi larawan, video, o maskara. Mahalaga ito upang maiwasan ang panlilinlang o paggamit ng pagkakakilanlan ng ibang tao sa pagkuha ng pensyon.
Madali lamang ang proseso. Sa website ng SSS, makikita ang bahagi kung saan maaaring isumite ang ACOP compliance. Hindi na kailangang mag-login sa My.SSS account. Iche-check muna kung rehistrado ang pensyonado sa PhilSys, pagkatapos ay ang pagbibigay ng data sharing consent upang magamit ang impormasyon para sa verification. Susunod ang paglalagay ng Social Security (SS) number at petsa ng kapanganakan. Matapos suriin ang detalye ng pangalan, sundan lamang ang mga instruction para sa facial scan.
Sa loob lamang ng maikling panahon ay makukumpleto na ang verification. Kapag matagumpay ang facial authentication, agad itong maitatala sa database ng SSS bilang kumpirmasyon ng ACOP compliance.
Malaki ang benepisyo nito lalo na para sa mga pensyonadong nahihirapang bumiyahe papunta sa tanggapan ng SSS. Para sa mga nasa probinsya o ibang bansa, nakakatipid ito sa oras, gastos sa pamasahe, at pagod sa paglalakbay. Mas nagiging accessible ang serbisyo dahil maaaring gawin ang verification mula sa sariling tahanan.
Gayunpaman, hindi pa rin nakakalimutan ng SSS ang mga pensyonadong walang gadget o hindi sanay sa paggamit ng teknolohiya. Para sa kanila, nananatili pa rin ang mga tradisyonal na paraan ng ACOP compliance. Maaari silang pumunta sa pinakamalapit na sangay ng SSS kung saan may mga E-Center na tutulong sa proseso ng facial authentication. Maaari ring gamitin ang personal na pagpunta sa branch o ang video conferencing appointment, alinsunod sa umiiral na patakaran.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na umiiral na digital transformation ng SSS. Layunin nitong gawing mas mabilis, mas ligtas, at mas maginhawa ang paghahatid ng serbisyo sa halos apat na milyong pensionado sa loob at labas ng bansa.
Sa huli, mahalagang tandaan na ang ACOP ay hindi lamang isang requirement. Isa itong mekanismo upang mapanatiling maayos at patas ang sistema ng pensyon. Sa pamamagitan ng mga bagong teknolohiya tulad ng facial authentication, mas nagiging madali para sa mga pensyonado ang pagtupad sa kanilang obligasyon habang napoprotektahan din ang pondo ng bawat miyembro ng SSS.
Sa panahon ngayon na patuloy na umuunlad ang teknolohiya, mahalaga ang mga hakbang na nagpapadali sa pagkuha ng serbisyo ng pamahalaan. Para sa maraming pensyonado na umaasa sa kanilang buwanang pensyon, ang ganitong mga inisyatibo ay malaking tulong upang mas maging maginhawa ang kanilang pakikipagtransaksiyon sa SSS at matiyak ang tuluy-tuloy na pagtanggap ng kanilang benepisyo.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i- follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Para sa inyong katanungan, maaring tumawag sa SSS Hotline 1455 para sa mga paglilinaw, o anumang paksa tungkol sa SSS. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph para sa inyong concerns at katanungan. ###