Connect with us

Lifestyle

Paano ipagpatuloy ang iyong SSS bilang voluntary member

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay

Ni: John Oblanca

Sa takbo ng buhay at trabaho, hindi laging pareho ang sitwasyon ng isang manggagawang Pilipino. May mga panahong may employer na nag-aasikaso ng kontribusyon sa SSS, ngunit may mga pagkakataon ding humihinto sa trabaho, nagre-resign, o pansamantalang walang
regular na pinagkakakitaan. Kapag nangyari ito, may isang mahalagang tanong na dapat isipin: paano maipagpapatuloy ang hulog sa SSS kung wala ng employer na kahati sa kontribusyon?

Dito pumapasok ang voluntary coverage ng Social Security System.

Ang voluntary membership ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro ng SSS na ipagpatuloy ang kanilang paghuhulog kahit hindi na sila kasalukuyang nagtatrabaho bilang empleyado o wala ng regular na pinagkakakitaan bilang self-employed. Sa madaling sabi, ang
miyembro na mismo ang magdedesisyon na ipagpatuloy ang kanyang kontribusyon upang manatiling aktibo ang kanyang social security protection.

Sino nga ba ang maaaring maging voluntary member?

Karaniwan, ang voluntary members ay dating SSS members na may naunang hulog bilang empleyado, self-employed o Overseas Filipino Worker (OFW). Halimbawa, ang isang empleyado na nag-resign sa trabaho ngunit wala pang bagong employer ay maaaring
magpatuloy sa paghuhulog bilang voluntary member.

Ganito rin ang sitwasyon ng isang taong pansamantalang huminto sa pagtatrabaho upang magpahinga, mag-aral o mag-alaga ng pamilya. Sa halip na maputol ang kanyang kontribusyon sa SSS, maaari niyang ipagpatuloy ang paghuhulog bilang voluntary member.

Ang mahalagang tandaan ay kailangan may naunang hulog na sa SSS ang isang miyembro bago siya maging voluntary. Ibig sabihin, hindi ito panibagong membership kundi pagpapatuloy lamang ng dating SSS coverage.

Paano ipagpapatuloy ang paghuhulog bilang voluntary member?

Kung ikaw ay dati ng miyembro ng SSS, hindi mo na kailangang mag-apply muli o kumuha ng bagong Social Security (SS) Number. Ang pagiging voluntary member ay nagsisimula sa paraan ng iyong pagbabayad. Maaari ka nang mag-generate ng Payment Reference Number o
PRN sa iyong My.SSS account at piliin ang “voluntary” bilang membership type. Kapag nabayaran na ang PRN, ito na ang magsisilbing simula ng iyong hulog bilang voluntary member.

Kung mas nais mo ang over the counter na transaksyon, puwede kang magpunta sa SSS branch na may tellering section at mag-fill out ng Payment Form, kung saan pipiliin ang “voluntary” bilang membership type. Awtomatikong malilipat bilang “voluntary” ang iyong
membership. Hindi na kailangan ng hiwalay na aplikasyon para rito.

Pagdating sa kontribusyon, ikaw na mismo ang pipili ng halagang ihuhulog batay sa Monthly Salary Credit at sasagot sa buong halaga nito. Maaari kang magbayad sa pamamagitan ng online banking, mobile payment applications, partner payment centers, o accredited collecting
agents, kaya mas madali nang maipagpatuloy ang iyong hulog saan ka man naroroon.

Ang pagpapatuloy ng kontribusyon bilang voluntary member ay mahalaga upang mapanatili ang pagiging kwalipikado sa mga benepisyo ng SSS. Kabilang dito ang sickness, maternity, disability, retirement, death at funeral benefit.

Sa usapin ng retirement, bawat hulog ay mahalaga. Ang mga kontribusyon na ginagawa habang aktibo pa ang miyembro ay bahagi ng paghahanda para sa panahong hindi na kayang magtrabaho dahil sa edad. Kapag tuloy-tuloy ang hulog, mas may kasiguruhan na may
matatanggap na benepisyo sa hinaharap.

Sa realidad ng buhay, hindi laging tuloy-tuloy ang trabaho. May mga pagkakataon na nagbabago ang direksiyon ng karera o sitwasyon sa buhay. Ngunit hindi nangangahulugan na kailangang maputol ang paghahanda para sa kinabukasan.

Ang voluntary coverage ng SSS ay paalala na ang social security protection ay hindi lamang para sa mga may employer. Ito ay para sa bawat miyembro na nais panatilihin ang kanyang seguridad kahit nagbago ang kanyang sitwasyon sa trabaho.

Sa huli, ang desisyon na ipagpatuloy ang hulog bilang voluntary member ay isang hakbang ng pagiging responsable sa sarili at sa pamilya. Ang maliit na kontribusyon ngayon ay maaaring maging malaking tulong sa hinaharap. Sa pamamagitan ng voluntary coverage, nananatiling protektado ang miyembro kahit walang employer na nag-aasikaso ng hulog.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i- follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Para sa inyong katanungan, maaring tumawag sa SSS Hotline 1455 para sa mga paglilinaw, o anumang paksa tungkol sa SSS. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph para sa inyong concerns at katanungan. ###

Continue Reading
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Bread & Butter Biscocho de Boracay