
Ni: John Oblanca
Hindi lahat ng ambag sa pamilya ay nasusukat sa suweldo. Maraming asawa ang naglalaan ng
kanilang buong panahon sa pagaayos ng tahanan at pagpapalaki ng mga anak. Sa ganitong
sitwasyon, mahalagang may malinaw na paraan upang mabigyan sila ng sariling social security
protection. Ito ang layunin ng SSS coverage para sa Non-Working Spouse, isang programang
nagbibigay ng pagkakataon na maging miyembro at magkaroon ng benepisyo ang mga asawa
na hindi kabilang sa formal workforce.
Ang Non-Working Spouse ay isang legal na asawa na nakatutok sa pamamahala ng tahanan at
walang ibang trabaho o pinagkakakitaan na sakop ng mandatory SSS coverage. Upang maging
kwalipikado, kinakailangang siya ay kasal sa isang aktibong SSS member na maaaring
empleyado, self-employed, o OFW, na may hulog sa loob ng huling anim na buwan. Dapat ay
hindi pa siya naging miyembro ng SSS at hindi lalampas sa edad na 60 taong gulang sa oras
ng pagpaparehistro.
Sa ilalim ng programang ito, nagkakaroon ng sariling SSS membership ang isang Non-Working
Spouse. Hindi ito extension lamang ng account ng asawa, kundi isang hiwalay na membership
upang makatanggap din siya ng benepisyo batay sa mga itinakdang qualifying conditions ng
SSS.
Ang kontribusyon ng Non-Working Spouse ay nakabatay sa kita ng kanyang working spouse.
Limampung porsiyento (50%) ng idineklarang buwanang kita ng asawa ang magiging basehan
ng kanyang Monthly Salary Credit o MSC. Mula rito, kukunin ang katumbas na hulog ayon sa
umiiral na contribution schedule ng SSS. Kung ang computed na halaga ay hindi eksaktong
tumugma sa MSC bracket, ang susunod na mas mataas na MSC ang susundin bilang basehan
ng kanyang kontribusyon.
Mahalaga ang tuluy-tuloy na paghuhulog. Kapag may mga buwan na hindi nakapagbayad, ang
mga ito ay ituturing na gaps at hindi na maaaring bayaran pa sa hinaharap. Hindi pinapayagan
ang retroactive payment kaya kinakailangan ang disiplina sa pagbabayad upang mapanatili ang
tuluy-tuloy na record ng kontribusyon.
Sa kabila nito, nananatiling lifetime ang SSS membership. Kung sakaling magbago ang
sitwasyon at ang isang Non-Working Spouse ay magsimulang magtrabaho o tumigil na sa
pagiging full-time sa bahay, maaari pa rin siyang magpatuloy sa paghuhulog bilang voluntary
member upang mapanatili ang kanyang karapatan sa mga benepisyo.
Ang proseso ng pagpaparehistro ay nagsisimula sa pagkuha ng Social Security (SS) Number
sa pamamagitan ng online registration sa SSS. Kung dati ng may SS number na hindi pa
nahuhulugan, maaaring magsumite ng Member Data Change Request Form o SSS Form E-4
kasama ang mga kinakailangang dokumento, sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Maituturing
lamang na aktibo ang SSS membership kung naisumite na sa SSS ang supporting documents
at nakapaghulog na ng unang kontribusyon.
Pinadali rin ang pagbabayad ng kontribusyon sa pamamagitan ng iba’t ibang payment
channels. Maaaring magbayad over-the-counter sa SSS branches na may tellering services,
pati na rin sa accredited banks at non-bank collecting partners. Available rin ang online payment
sa pamamagitan ng website at mobile application ng partner banks and non-bank collecting
partners, at MySSS Mobile App. Ang ganitong sistema ay nagbibigay ng flexibility lalo na sa
mga abala sa gawaing bahay at may limitadong oras.
Sa kabuuan, ang SSS coverage para sa Non-Working Spouse ay isang mahalagang hakbang
upang mapalawak ang social protection sa loob ng pamilya. Ipinapakita nito na ang seguridad
sa hinaharap ay hindi lamang para sa mga kumikita, kundi pati sa mga tahimik na nagsusulong
ng katatagan ng bawat tahanan. Sa pamamagitan ng programang ito, nagkakaroon ng
konkretong proteksiyon ang isang Non-Working Spouse laban sa mga hindi inaasahang
pangyayari, habang pinapalakas din ang kabuuang seguridad ng pamilya.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-
follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber –
hanapin lang ang MYSSSPH. Para sa inyong katanungan, maaring tumawag sa SSS Hotline
1455 para sa mga paglilinaw, o anumang paksa tungkol sa SSS. Bukas din ang
usssaptayo@sss.gov.ph para sa inyong concerns at katanungan. ###