
KALIBO, Aklan – Nakatanggap ng tig-₱15,000 na dagdag puhunan ang 19 na miyembro ng Indigenous Peoples (IP) sa Kalibo sa ilalim ng programang Mag Negosyo Ta ’Day (MTD) ng Office of the Vice President Sara Duterte noong Disyembre 11, 2025.
Personal na inihatid ng mga kawani ng OVP–Panay and Negros Islands Satellite Office (OVP–PNI SO) ang tulong pinansyal matapos maglakbay patungo sa lungsod, bilang patunay ng malasakit at pagsisikap na mailapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan.
Karamihan sa mga benepisyaryo ay nagpapatakbo ng sari-sari store—isang mahalagang pinagkukunan ng kita para sa kanilang pamilya at serbisyong tumutugon sa pangangailangan ng kanilang komunidad. Inaasahang ang dagdag na puhunan ay makatutulong sa pagpapalawak ng kanilang negosyo, pagdaragdag ng paninda, at pagtaas ng kita sa mga susunod na buwan.
Ang pagtungo ng OVP sa Kalibo ay bahagi ng patuloy na adhikain na walang Pilipinong maiiwan, lalo na ang mga nasa malalayong lugar. Sa pamamagitan ng OVP–PNI SO at iba pang satellite offices, patuloy na isinusulong ng OVP ang inklusibong pag-unlad at patas na oportunidad para sa lahat.