Connect with us

Sports

Pagpapaunlad ng talentong isports sa mga batang 4Ps

Published

on

KALIBO, Aklan (Pagtataguyod) – Si Dan Rio V. Rebanio, 28 taong gulang, ay mula sa Brgy. Poblacion ng bayan na ito. Ang kanyang kwento ay isang patunay na ang kahirapan ay hindi hadlang upang abutin ang tagumpay. Lumaki siya sa isang simpleng pamilya na may normal na pamumuhay, ngunit hindi maikakaila ang mga pagsubok lalo na sa aspetong pinansyal, partikular sa kanyang pag-aaral.
Noong hindi pa bahagi ng programa ang kanyang pamilya isa sa pinakamalaking hamon na kanyang kinaharap ay ang kakulangan sa pera para sa edukasyon. Madalas ay kinakapos sa panggastos sa paaralan, dahilan upang maging mabigat ang bawat araw ng kanyang pag-aaral. Sa kabila nito, hindi siya sumuko at patuloy na lumaban para sa kanyang pangarap.
Malaki ang naging pagbabago sa kanyang buhay nang siya ay maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at maging iskolar sa ilalim ng Expanded Studentsโ€™ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA). Sa pamamagitan ng programang ito, nabigyan siya ng oportunidad na makapagpatuloy sa kolehiyo. Ang tulong pinansyal tulad ng allowance, benepisyo sa kalusugan gaya ng PhilHealth, at suporta sa edukasyon ay naging malaking tulong upang matustusan ang kanyang pangangailangan sa paaralan.
Habang nag-aaral, hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan. Hinarap niya ang mga problemang pampamilya at pinansyal. Upang malampasan ang mga ito, nagsumikap siya at nagtrabaho bilang part-time na tumuturo sa pag sasayaw at pag-guhit, habang patuloy na nag-aaral. Ang kanyang mga guro at tagapayo ang nagsilbing inspirasyon niya upang magpatuloy. Sa kabila ng lahat, pinili niyang lumaban at hindi sumuko.
Hindi lamang sa akademikong larangan siya nagtagumpay, kundi pati na rin sa larangan ng isports at sining. Siya ay naging silver medalist sa Philippine National Games noong 2023, naging kinatawan ng kanilang paaralan sa SCUAA cultural competitions, at ilang ulit na naging representative sa Pencak Silat sa ibaโ€™t ibang lugar tulad ng Roxas, Capiz, Iloilo, at Aklan. Nakamit din niya ang tagumpay sa international virtual tournament sa Indonesia bilang champion at silver medalist, at naging kalahok sa ibaโ€™t ibang national painting competitions.
Higit sa lahat, ipinagmamalaki niya ang kanyang ambag sa kanyang pamilya, lalo na bilang coach ng kanyang kapatid na si Danica Jane V. Rebanio, na isa ring atleta at patuloy na nagbibigay karangalan sa kanilang pamilya at komunidad.
Sa kasalukuyan, ang kanyang natamong tagumpay ay bunga ng kanyang pagsusumikap, tiyaga, at tulong ng programa. Ang 4Ps ay naging mahalagang bahagi ng kanyang paglalakbay hindi lamang sa pagtulong sa pang-araw-araw na pangangailangan, kundi sa pagbibigay ng pag-asa at oportunidad upang makapag-aral at maabot ang kanyang mga pangarap.
Para kay Dan Rio, ang kanyang kwento ay hindi lamang tungkol sa sariling tagumpay kundi isang inspirasyon sa iba pang benepisyaryo. Ayon sa kanya, โ€œMag-aral nang mabuti kahit hindi ka matalino. Tuklasin mo ang iyong kakayahan, magpokus ka, at huwag susuko kahit mahirap ang buhay.โ€
Lubos ang kanyang pasasalamat sa programa, lalo na sa tulong na kanyang natanggap noong kolehiyo. Bagamaโ€™t hindi ganap na libre ang edukasyon, naging daan ang ESGP-PA upang siya ay makapag aral at makamit ang mas magandang kinabukasan.
Dahil sa kanyang determinasyon, nakapag aral siya ng Bachelor of Science in Industrial Technology major in Civil Technology. Sa kasalukuyan, siya ay nagtatrabaho bilang freelancer, painter, at isang licensed coach at technical official sa isport na Pencak Silat.
PAGTATAGUYOD
Ayon sa kanya, ang kanyang pakikipagtulungan sa programang 4Ps ay nagsimula noong siya ay naging isang ganap na lisensyadong coach sa isport na Pencak Silat, kasabay ng kanyang pagtanggap ng mga freelance na proyekto. Dahil sa kanyang determinasyon na ibahagi ang kanyang mga natutunan sa industriya at isport, malugod niyang tinanggap ang pagkakataong iyon upang magsilbing tulay sa pag-unlad hindi lamang sa kanyang pamilya kundi pati ang mga kabataan sa kanilang komunidad.
Bilang kinatawan ng sektor ng sining at ng komunidad ng Pencak Silat, nakatutulong ang kanyang organisasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay sa disiplina, self-defense, at wastong pisikal na kalusugan sa mga batang lalo na sa mga 4Ps na kasalukuyang kong ini ensayo. Ang isport na ito ay nagtuturo ng determinasyon at katatagan ng loob.
Sa aking pagsusuri, maaari pang mapaunlad ng 4Ps ang serbisyo nito sa aspeto ng isport at sa sining. Sa kasalukuyan, ang programa ay labis na nakatuon sa batayang kalusugan at pormal na edukasyon, ngunit malaki ang potensyal ng mga kabataan kung sila ay magagabayan sa labas ng silid-aralan.
Maaaring makatulong ang aking organisasyon sa pamamagitan ng pagdalo sa mga Family Development Sessions (FDS). Maibabahgi ko ang aking kaalaman sa aspeto ng Pencak Silat at matulungan ang mga kabataang may potensyal. Sa pamamagitan nito binibigyan natin sila ng pangmatagalang kasanayan at oportunidad. (Ipinasa ng MOO Kalibo, Aklan POO)

Continue Reading
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ati-Atihan Festival Hotel
Bread & Butter Biscocho de Boracay