Connect with us

Business

Paano mag-apply ng SSS Salary Loan

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay

Ni: John Oblanca

Sa patuloy na digitalization ng serbisyo ng pamahalaan, mas pinadali na ng Social Security System (SSS) ang pag-avail ng Salary Loan. Hindi na kailangang pumila o magtungo sa tanggapan dahil maaari nang gawin ang aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS Portal o MySSS Mobile App. Para sa mga miyembro, ito ay mas mabilis, mas ligtas, at mas convenient na paraan para makakuha ng tulong- pinansyal kapag kinakailangan.

Pero paano nga ba ito ginagawa? At ano ang papel ng employer sa proseso, lalo na para sa mga empleyado?

Step-by-step application online

Ang unang hakbang ay ang pagkakaroon ng aktibong My.SSS account. Kung wala pa, kailangang mag-register sa official SSS website gamit ang sariling Social Security (SS) number at personal details. Kapag may account na, maaari nang mag-login anumang oras.

Sa pag-apply ng Salary Loan, sundin ang mga sumusunod na hakbang:

Una, mag-login sa My.SSS account. Sa dashboard, piliin ang “Loans” tab at i-click ang “Salary Loan.”

Ikalawa, punan ang online application form. Dito ilalagay ang kinakailangang impormasyon tulad ng loan amount at disbursement account kung saan ipapadala ang loan proceeds. Mahalagang siguraduhin na ang bank account o e-wallet ay naka-enroll at active sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM).

Ikatlo, i-review ang lahat ng detalye. Kasama rito ang loan amount, terms of payment, at mga kaltas tulad ng interest at service fee. Dito rin makikita ang disclosure statement na mahalagang basahin bago magpatuloy.

Ikaapat, i-submit ang aplikasyon. Kapag naisumite na, hindi na ito maaaring kanselahin, kaya siguraduhing tama at kumpleto ang lahat ng impormasyon bago mag-confirm.

Matapos ang submission, ang status ng loan ay maaaring i-monitor sa parehong portal.

Kapag naaprubahan, ang loan proceeds ay direktang ipapadala sa napiling disbursement account ng miyembro.

Employer certification

Para sa mga employed members, hindi agad awtomatikong maaaprubahan ang loan pagkatapos mag-apply. May mahalagang papel ang employer sa tinatawag na employer certification.

Sa prosesong ito, ang employer ay kailangang mag-login sa kanilang My.SSS account upang kumpirmahin ang loan application ng kanilang empleyado. Sa certification na ito, pinatutunayan ng employer ang ilang mahahalagang bagay:

Una, na ang aplikante ay kasalukuyang empleyado ng kumpanya.

Ikalawa, na sapat ang kanyang net take-home pay upang masuportahan ang buwanang hulog ng loan.

Ikatlo, na ang employer ay handang isagawa ang payroll deduction at remittance ng loan amortization sa SSS.

Mahalaga ang hakbang na ito dahil dito nakasalalay ang seguridad ng loan repayment.

Kapag hindi agad na-certify ng employer, maaaring ma-delay ang pagproseso ng loan.

Para naman sa miyembro, may responsibilidad din na tiyaking tama ang employer na nakarehistro sa SSS records.

Kung may pagbabago sa trabaho, kailangang i-update muna ang employment details bago mag-apply ng loan upang maiwasan ang problema sa certification.Ano ang mga dapat tandaan?

Ang online application ng Salary Loan ay idinisenyo para maging simple, pero hindi ito “one-click approval.” May proseso pa ring sinusunod upang masigurong kwalipikado ang miyembro at may kakayahang magbayad ng monthly amortization.

Para sa mga empleyado, ang koordinasyon sa employer ay kritikal. Ang mabilis na certification ay susi para mas mapabilis ang paglabas ng loan proceeds.

Sa huli, ang online Salary Loan application ay patunay ng patuloy na pagpapahusay ng serbisyo ng SSS. Ginagawang mas accessible ang tulong-pinansyal sa mas maraming Pilipino. Ngunit tulad ng anumang loan, ang pinakamahalagang bahagi ay hindi lamang ang pagkuha nito, kundi ang responsableng pagbabayad pagkatapos.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i- follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Para sa inyong katanungan, maaring tumawag sa SSS Hotline 1455 para sa mga paglilinaw, o anumang paksa tungkol sa SSS. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph para sa inyong concerns at katanungan. ###

Continue Reading
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Bread & Butter Biscocho de Boracay