
Testimonya ni Ronenmae E. Elosendo
Benepisyaryo ng 4Ps/Ati
BAROTAC VIEJO, Iloilo-Ako si Ronenmae Espartero Elosendo, nagmula sa bayan ng Barotac Viejo, Iloilo. Ang aming angkan ay kabilang sa mga Ati. Mahirap ang aming buhay kaya ang aming sambahayan ay naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ako ay isa sa mga minomonitor na bata.
Kailan lang ako ay nagtapos sa kursong Criminology sa Northern Iloilo State University โ Ajuy Campus at naging lisensyado. Ako ang kauna-unahang propesyonal sa aming pamilya at sa komunidad naming mga ati dito sa Karabangkalan, Brgy. Sto. Tomas ng masabing bayan.
Bilang isang Ati, lumaki akong nakararanas ng diskriminasyon dahil sa aking kulay at sa tribong aking pinagmulan. Kahit ako ay may halong dugo o kalibugan kung tawagin, naranasan ko pa rin ang pangmamaliit โ paano pa kaya ang mga kapatid kong purong Ati? Ang sakit na ito ang nagsilbing lakas ko upang magsumikap at patuloy na lumaban sa hamon ng buhay.
Kaya bata pa lamang ako, motibado akong makapagtapos ng pag-aaral para protektahan ang aking pamilya at komunidad laban sa mga diskriminasyon at pag aabuso.
Natapos ko ang aking elementarya sa Santo Domingo Elementary School, sekondarya sa Santiago National High School, at kumuha ng kursong Criminology.
Mula pa noon, hindi naging madali ang aking pinagdaanan. Isa ako sa minomonitor ng 4Ps mula elementarya hanggang Senior High School. Malaking tulong ang programang ito sa aming pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain, kalusugan, at gastusin sa pag-aaral.
Ngunit higit pa rito, nagsilbi itong inspirasyon upang ipangako ko sa aking sarili na hindi ako susuko kahit gaano kahirap ang buhay, dahil may pamilya akong umaasa at may pamahalaang sumusuporta sa aking pag-aaral.
Ang aking mga magulang ay kapwa magsasaka na nagsisikap sa matinding init ng araw at ulan upang matustusan lamang ang aking pag-aaral. Ang aking ama ay isang lider ng komunidad ng mga Ati sa Kabarangkalan Ati Community. Madalas niyang ikuwento na noong siyaโy bata pa, pangarap din niyang makapag-aral ngunit hindi ito natupad dahil sa kahirapan ng buhay. Kaya naman buong puso niyang ibinuhos ang kanyang lakas upang masuportahan ang aming pamilya at maitaguyod ang aming edukasyon.
Araw-araw ay naglalakad ako at ng aking mga kapatid ng apat na kilometro papunta at pauwi sa paaralan. Oo, nakakapagod, ngunit hindi kami nagpatalo. Para sa akin, ang edukasyon ay hindi lamang isang pangarap ngunit ito ay isang sandata na magagamit ko upang maprotektahan ang aming komunidad at makapaglingkod sa kapwa.
Dahil dito, pinili ko ang kursong Criminology. Nais kong maunawaan ang batas upang maprotektahan ang aking komunidad na matagal nang nakararanas ng diskriminasyon at pang-aabuso. Nais kong maging boses ng mga Ati at ipaglaban ang kanilang karapatan.
Noong Pebrero 4-6, 2026, hinarap ko ang isa sa pinakamalaking pagsubok sa aking buhay โ ang Criminologist Licensure Examination. Sa awa at biyaya ng Diyos, ako ay nakapasa na may kabuuang average na 80.50%. Ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa akin, kundi para sa aking pamilya, sa aking tribu, at sa lahat ng mga taong naniwala sa aking kakayahan. Pinatunayan ko na ang isang Ati ay maaaring maging lisensyadong propesyonal at may kakayahang maglingkod sa bayan.
Sa ngayon, handa na akong tahakin ang panibagong yugto ng aking buhay. Bilang isang lisensyadong criminologist, pangarap kong maging bahagi ng Philippine National Police (PNP). Nais kong maglingkod sa pamamagitan ng pagbibigay-kaalaman sa mga mamamayan tungkol sa kanilang mga karapatan at sa mga batas na nagpoprotekta sa kanila, tulad ng Anti-Bullying Law.
Hangad kong wala nang batang dumanas ng diskriminasyon na walang nagtatanggol at nagtataguyod sa kanilang kapakanan.
Sapagkat ang edukasyon ay hindi lamang para sa sarili kundi ito ay para sa pamilya, sa komunidad, at sa kinabukasan ng bawat isa. (Ipinasa ng Barotac MOO, Iloilo POO) dmb/mgc