
Inindorso ng beteranang aktres at dating senatorial candidate Boots Anson-Roa ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo bilang pangulo kasabay ng pagbanat sa diktaduryang Marcos \
“Ngayong 2022, ang presidente ko ay si Leni Robredo. Boots Anson-Roa-Rodrigo po. Dating naniwala sa pangako ng disiplina at pagkakaisa, pero nakita at naranasan ang katotohanan,” wika ni Anson-Roa sa isang video.
Inupakan din ng aktres, na tumakbo bilang senador sa ilalim ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) ticket ng namayapang Action King na si Fernando Poe Jr., ang rehimen ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Kinontra rin niya ang paniniwalang “golden years” ng Pilipinas ang panahon ng Martial Law sa ilalim ni Marcos.
“Sabi ng lola mo, maganda ang panahon noon? Yung more than 20 years ng diktadurya? Naranasan ko lahat ‘yan,” wika niya, Sa una, naniwala si Anson-Roa na ang disiplina sa ilalim ng Martial Law ay hahantong sa mas mabuting Pilipinas.
“Pero nakita ko, with my own eyes ang pagbagsak ng ekonomiya. ‘Yung gutom at kawalan ng trabaho. Naranasan ko magkaroon ng mga kaibigan na bigla na lang nawala,” wika ng aktres. “Mga simpleng tao, ‘yung iba natagpuang patay, karamihan hindi na nakita,” dagdag pa niya.
Umaasa ang aktres na hindi mararanasan ng kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino ang lagim ng Martial Law sa pamamagitan ng paglaban para sa bansa at pagpili kay Robredo bilang susunod na pangulo ng Pilipinas.
“Diyos ko, mga apo. Sana hindi niyo maranasan. Sana hindi na natin maranasan muli. Nobody recovers from that pain. Take it from me, mga apo. Hindi natin golden years yon,” ani Anson-Roa.
Maliban kay Anson-Roa, nagpahayag din ng suporta para kay Robredo kamakailan ang ilang artista tulad ng host na si Vice Ganda, mga aktres na sina Nadine Lustre, Kathryn Bernardo, Maricel Soriano at Liza Soberano, at aktor na si John Arcilla.