
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang ₱740.834 milyon na karagdagang pondo para sa Quick Response Funds (QRF) ng gobyerno.
Layunin nitong matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng tulong at suporta sa mga mamamayang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad sa bansa. Mula sa halagang ito, ₱640.834 milyon ang inilaan para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ₱100 milyon naman para sa Department of National Defense – Office of Civil Defense (OCD).
“Malinaw po ang utos ni Pangulong Bongbong Marcos na ang pag-responde ng gobyerno ay hindi dapat one-time effort. Magtutuluy-tuloy po ang ating suporta sa mga ahensya at LGUs para matulungan ang ating mga kababayan na manumbalik sa normal ang kanilang pamumuhay,” ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman.
Ayon sa DSWD, ang ₱640.834 milyon na QRF replenishment ay gagamitin para sa pagbili ng Family Food Packs at Non-Food Items para mapuno muli ang mga bodega ng relief goods ng ahensya. Gagamitin din ito sa pamamahagi ng agarang cash assistance sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer para sa 73,348 pamilyang naapektuhan ng mga lindol sa Cebu (Region VII) at Davao (Region XI), pati na rin sa mga residenteng tinamaan ng habagat at bagyong Mirasol, Nando, at Opong sa Bicol Region.
Kasama rin sa pondong ito ang gastusin para sa transportasyon, delivery services, at standby funds ng mga regional office ng DSWD. Bukod sa ₱640.834 milyon, nakatanggap na rin ngayong taon ang DSWD ng kabuuang ₱1.341 bilyon bilang karagdagang replenishment ng kanilang 2025 QRF — ₱625 milyon noong Oktubre 2 at ₱716.15 milyon noong Oktubre 8.
Samantala, ang ₱100 milyon na inilaan sa OCD ay para tustusan ang Maintenance and Other Operating Expenses ng ahensya na gagamitin sa mga disaster management operations hanggang sa pagtatapos ng taon.