Connect with us

Sports

Gintong Yapak: Tagumpay sa laro at akademya

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay

Testimonya ni Rej S. Concepcion Dating minomonitor ng 4Ps

NEW WASHINGTON, Aklan-Sa Sitio Malogo, Poblacion, nagsimula ang aking kwento. Isang kwento ng pangarap na hinubog ng kahirapan, sinubok ng panahon, at pinagtibay ng pag-asa.

Ako si Rej Sapico Concepcion, 18 taong gulang, isang kabataang lumaki sa piling ng limitadong pagkakataon ngunit hindi kailanman iniwan ng pangarap. Sa aming tahanan, hindi laging tiyak ang laman ng hapag-kainan. Ang aking mga magulang ay walang permanenteng trabaho, kayaโ€™t ang bawat araw ay pagsubok kung paano kami makaraos. May mga panahong sapat ang pagkain, ngunit mas madalas ang mga sandaling kailangan naming magtipid at mag-tiis. Bilang mag-aaral, ramdam ko ang kakulangan sa gamit, sa baon, at minsan pati sa kumpiyansa. Ngunit sa kabila ng lahat, nanatili ang isang liwanag sa aking puso: darating din ang pagbabago.

Ang pagbabagong iyon ay unti-unting nagsimula ng kami ay maging bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Hindi lamang ito naging tulong pinansyal, kundi naging tulay ng pag-asa. Nagkaroon ako ng mas maayos na suporta sa pag-aaral, baon, gamit sa paaralan, at kakayahang mag pokus sa aking edukasyon. Mula rito, mas nakilala ko rin ang sarili ko, lalo na ang aking hilig sa sports. Dahil sa pagkakataong ibinigay sa akin, pinili kong tahakin ang Special Program in Sports sa Senior High School.

Sa bawat pagod at ensayo, unti-unting nabuo ang aking pagkatao bilang atleta. Ang dating simpleng pangarap ay naging mas malawak na paglalakbay. Nakasali ako sa track and field sa ibaโ€™t ibang kompetisyon mula probinsya hanggang Palarong Pambansa. Unti-unting dumating ang mga tagumpay, mga gintong medalya, pilak, at tanso na hindi ko inakala na maabot ko noon. Mula Provincial Athletics Association Meet hanggang Western Visayas Regional Athletic Association (WVRAA), Batang Pinoy sa Palawan, at maging sa Palarong Pambansa sa Cebu at Ilocos Norte. \

Bawat laban ay may dalang kwento ng sakripisyo, pawis, at panalangin. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ng karerang iyon ay hindi ang mga medalya, kundi ang dahilan kung bakit ako tumatakbo. Sa bawat hakbang ko sa track, dala ko ang pangarap ng aking pamilya. Sa kabila ng hirap ng pagbabalanse sa pag-aaral bilang isang student-athlete, sa awa ng Diyos ay matagumpay kong natapos ang aking Senior High School ngayong taon 2026 na may karangalan pa na With Honors. Ang bawat tagumpay ay hindi lamang akin, ito ay para sa kanila.

Sa gitna ng aking paglalakbay, dumating ang pinakamabigat na pagsubok ng aking buhay, ang pagpanaw ng aking ina ilang araw bago ang isa sa pinakamahalagang laban ko. Siya ang aking unang taga suporta, ang aking lakas, at ang tahimik na dahilan ng aking pagpupursige. Sa kanyang pagkawala, tila huminto ang mundo ko. Ngunit sa halip na sumuko, pinili kong tumakbo ng mas matatag. Sa bawat metro ng takbo ko, ramdam ko na kasama ko pa rin siya, na ang bawat tagumpay ay alay ko sa kanya.

Sa ngayon, ang aking lola at ama ang patuloy na haligi ng aming pamilya, walang sawang nagsusumikap para sa amin. Ang aking kapatid ay patuloy sa kolehiyo, habang ako naman ay papasok sa bagong yugto ng buhay matapos ang Senior High School sa New Washington National Comprehensive High School. Bitbit ko hindi lamang ang diploma, kundi ang mga aral ng disiplina, tiyaga, at pananalig sa sarili.

Sa pagtatapos ng aming pamilya pagiging benepisyaryo ng 4Ps matapos ang mahigit sampung taon, dala ko ang pasasalamat, hindi lamang sa tulong pinansyal, kundi sa pagkakataong mabuo ang aking kinabukasan. Dahil dito, natutunan kong ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay, kundi isang dahilan upang mas magsumikap.

Ang aking kwento ay patunay na ang batang galing sa simpleng pamumuhay ay kayang makipagsabayan sa mas malawak na mundo. Sa mga kabataang kapareho ko ng pinanggalingan, nais kong ipaalala: ang bawat pagsubok ay may katapat na pagkakataon. Ang bawat luha ay may kapalit na lakas. At ang bawat pangarap, gaano man ito kalayo, ay kayang abutin ng isang pusong hindi sumusuko. (Submitted by: MOO New Washington)

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

Bread & Butter Biscocho de Boracay