Latest News
16 Sundalong Nasawi sa Malinao Ambush, Ginunita sa National Peace Consciousness Month

MALINAO, Aklan โ Inalala at binigyang-pugay ang 16 sundalong nasawi sa isang madugong ambush sa Barangay Osman, Malinao, Aklan noong Mayo 4, 1987, bilang bahagi ng pagdiriwang ng 2026 National Peace Consciousness Month.
Isinagawa ang commemorative activity nitong Setyembre 10, 2026, sa pangunguna ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Aklan, lokal na pamahalaan ng Malinao, mga organisasyon at iba pang peace stakeholders.
Nagsimula ang programa sa isang Banal na Misa para sa Kapayapaan sa Guardian Angel Chapel sa Barangay Lilo-an, Malinao, na sinundan ng pag-aalay ng korona at candle lighting sa marker ng 16 fallen soldiers sa parehong barangay.
Ang paggunita ay bahagi ng temang โKapayapaan Pagtibayin, Kaunlaran Paigtinginโ, na naglalayong palakasin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng kapayapaan, pagkakaisa at pagkakasundo sa mga komunidad.
Ayon sa mga tala, 16 na sundalo ng Philippine Army ang nasawi habang siyam naman ang nasugatan nang tambangan ng mga kasapi ng New Peopleโs Army (NPA) ang tropa ng pamahalaan sa Barangay Osman noong Mayo 4, 1987.
Ang insidente ay itinuturing na isa sa pinakamalalang armadong engkuwentro na naganap sa Aklan noong kasagsagan ng communist insurgency noong dekada 1980.
Pag-alala sa sakripisyo
Dumalo sa aktibidad ang mga pamilya at kaibigan ng mga nasawing sundalo, gayundin ang mga nakaligtas na sundalo at kanilang mga pamilya.
Kabilang sa mga pinarangalan at dumalo sa programa sina Aklan Gov. Jose Enrique M. Miraflores, Malinao Mayor Josephine I. Iquina, Bugna It Akean representative Hon. Randy J. Fernando, at iba pang mga opisyal ng pamahalaan, security sector, civil society at people’s organizations.
Nagbigay rin ng mensahe ang kinatawan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-alala sa mga biktima ng karahasan habang isinusulong ang kapayapaan at pagkakasundo.
Ang aktibidad ay nagtapos sa panawagan na gawing aral sa kasalukuyang henerasyon ang mapait na karanasan ng nakaraanโhindi lamang upang alalahanin ang mga nasawi, kundi upang higit na pahalagahan ang kapayapaan at maiwasan ang pag-uulit ng karahasan.

โPamana ng Bayan Para sa Kabataanโ
Kasabay ng commemorative activity ang โTree of My Lifeโ at tree-planting activity sa Osman Community-Based Agri-Ecotourism and Integrated Farm Facility, kung saan isinagawa ang pagtatanim ng mulberry at coconut trees.
Sa pamamagitan nito, iniugnay ng mga organizers ang pag-alala sa mga bayani ng nakaraan sa pagbibigay ng mas maayos at mapayapang kinabukasan para sa kabataan.
Sa mensahe ng programa, ang mga itinanim na puno ay nagsisilbing simbolo ng buhay, pag-asa, pagpapanibago at kapayapaanโisang pamana mula sa kasalukuyang henerasyon tungo sa mga susunod na salinlahi.
Sa paggunita sa 16 sundalong nagbuwis ng buhay, muling pinaalala sa komunidad na ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng digmaan, kundi isang sama-samang responsibilidad na kailangang pangalagaan at ipamana sa kabataan.


