
Baguio City- Ibinulgar ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nakatanggap si dating Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo ng P300 milyon mula sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) program ng Department of Health (DOH).
Sinabi ni Magalong sa isang television interview na nakita niya ang mga dokumento ng DOH noong siya’y adviser pa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nagpapakitang nakatanggap si Quimbo ng P300 milyon mula sa pondo ng MAIP.
โAlam mo nga nagulat nga ako na I saw a document na sa DOH, iyong MAIP funds, iyong Medical Assistance to Indigenous Patients. Di ba dapat lagi iyon equitable distribution? Surprisingly, meron siyang P300 million na-allocate sa kanya,โ ani Magalong. โGano’n sila ka-powerful,โ dagdag niya, na tinutukoy ang posisyon ni Quimbo bilang vice chairperson at kalaunan ay chairperson ng House Committee on Appropriations sa 19th Congress.
Iginiit ni Magalong sa interview na dapat imbitahan ng ICI si Quimbo sa kanilang imbestigasyon upang magbigay-linaw sa mga paratang ukol sa mga insertions sa 2025 national budget. โAko siguro kailangan isa sa mga imbitahan diyan si Congressman Stella Quimbo, former congresswoman. Isa yan,โ ani Magalong, na nagsilbing adviser ng ICI bago magbitiw kamakailan.
Bukod kay Quimbo, sinabi ni Magalong na dapat ding ipatawag ng ICI si Benguet Rep. Eric Yap, na siyang naging chairperson ng House Appropriations Committee noong panahon ng administrasyong Duterte.
Nauna nang tinukoy ni Navotas Rep. Toby Tiangco si Quimbo bilang isa sa mga miyembro ng maliit na komite kung saan diumano ay nangyari ang ilang insertions sa 2025 national budget. Ayon sa rekord, may apat na infrastructure projects si Quimbo sa kanyang distrito sa pamamagitan ng mga kompanyang pag-aari ng kontrobersyal na mga kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya.
Ang mga nasabing proyekto ay ipinasok sa mga kumpanyang konektado kay Discaya, kabilang ang Great Pacific Builders and General Contractor Inc., JMLR Construction and Supply, St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp., VPR General Contractor and Construction Supply Inc., at Alpha and Omega General Contractor and Development Corp.
Ang Great Pacific Builders ang nakakuha ng kontrata para sa konstruksyon ng box culverts sa Rainbow Street (P41,878,276.31) at Zenaida Subdivision (P35,355,782.73), na parehong nasa Brgy. Concepcion Dos. Pinondohan din ni Quimbo ang konstruksyon ng slope protection works sa Balanti Creek sa Katipunan Extension (P56,741,661.01) at ang proyekto ng pagpapaganda ng creek (P46,353,618.68).
Ang mga proyekto, na may kabuuang halagang P180 milyon, ay ipinatupad noong 2022 at 2023, sa panahon ng panunungkulan ni Quimbo bilang vice chairperson ng House Committee on Appropriations.
Samantala, ang Alpha & Omega General Contractor at Eight Jโs Construction ang magtatayo ng P400-milyong Marikina City Innovation Center na matatagpuan sa distrito ni Quimbo. Si Quimbo ay nagsilbing kinatawan ng 2nd District ng Marikina City mula 2019 hanggang 2025. Tumakbo siyang mayor sa 2025 ngunit natalo.