Connect with us

Latest News

Serbisyong may malasakit para sa benepisaryo ng 4Ps

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay

NEW WASHINGTON, Aklan (Pagtataya) – Walang iwanan. Ito ang mga katagang galing kay Fire Officer I Ben D. Andico, 31 taong gulang na nagtatrabaho sa Bureau of Fire Protection ng Malinao, Aklan.

Si FO1 Andico ay tubong taga Barangay Polo ng bayang ito. Ang kanilang sambahayan ay dating benepisyaryo ng 4Ps na nagtapos nitong Marso 2025. Ayon sa kanya ang tunay na serbisyo publiko ay hindi natatapos sa uniporme lamang kundi ito ay nakikita sa puso—isang pusong handang mag-alay ng oras, lakas, at malasakit para sa kapwa.

Sa kanyang trabaho bilang Fire Safety Inspector, Finance Officer, at Nozzleman, abala siya sa tungkulin sa pagliligtas ng buhay at ari-arian laban sa sunog. Ngunit higit pa rito, pinili rin niyang maglaan ng oras at malasakit para sa mga batang kabilang sa 4Ps.

Bilang dating benepisaryo ng programa, hangad ni FO1 Andico na maibalik rin ang tulong na natanggap niya mula sa gobyerno noon kaya isa siya sa mga aktibong nagsagawa ng community outreach programs para sa mga batang 4Ps.

“Sa komunidad, ang pinakamahalaga ay ang pagbibigay ng suporta at ang pagtanggap nang walang diskriminasyon. Ang simpleng pakikilahok sa mga aktibidad sa komunidad o ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa 4Ps ay maaaring magbukas ng pintuan para sa mas maginhawang kinabukasan ng mga batang umaasa dito,” sabi niya.

Katuwang ang kanyang mga kasamahan, nagsasagawa sila ng mga community outreach programs sa ibat-ibang lugar na nagsimula limang taon na at ang pinakabago ay nitong October 1 kung saan 250 na kabataan ang nakatanggap ng school supplies sa Brgy. Pili, Concepcion, Iloilo. Namimigay sila ng mga gamit pang-eskwela at pagbibigay ng inspirasyon sa mga kabataan na huwag sumuko sa kanilang pangarap. Ang bawat lapis at papel na naiabot nila ay hindi lamang simpleng kagamitan, kundi simbolo ng pag-asa at tiwala na may mas maliwanag na bukas na naghihintay.

Para kay FO1 Andico, sa likod ng bawat pamilyang benepisyaryo ng 4Ps ay may mga taong handang umalalay, magturo, at magbigay-inspirasyon dahil para sa kanya ang 4Ps ay hindi lamang simpleng tulong pinansyal mula sa pamahalaan, kundi isang pagkakataon para sa mga pamilya na makapagsimula ng mas maayos na kinabukasan.

“Mahalaga ang pagbabahagi ng kaalaman at kung paano ang wasto at responsableng paggamit ng tulong pinansyal, kung paano aalagaan ang kalusugan, pakikilahok sa komunidad at higit sa lahat, kung paano pahahalagahan ang edukasyon bilang susi sa tagumpay,” dagdag niya.

Ang kanyang kwento ay nagpapaalala na sa pagtutulungan ng pamahalaan, ng mga organisasyon, at ng bawat indibidwal, walang pamilyang maiiwan. Lahat ay may pagkakataong umasenso, lahat ay may karapatang mangarap, at lahat ay may karapatang makamit ang isang mas maliwanag na kinabukasan. (Ipinasa ng New Washington, Aklan POO)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

Continue Reading
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Bread & Butter Biscocho de Boracay