BORACAY – Dahil sa kaliwa’t kanang kontrobersiya ngayon tungkol sa mga sinkholes sa Isla ng Boracay, hinamon ni Malay Mayor Frolibar Bautista ang Mines ang Geosciences Bureau o MGB sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na ipakita ang kanilang dokumento at ipaliwanag kung saan at paano nila natukoy ang mga ito.
Aniya, nagsasagawa na ngayon ng kanilang sariling imbestigasyon ang Local Government Unit o LGU-Malay upang mabigyan ng atensyon ang nasabing isyu. Sa kabila nito pinawi naman ni Mayor Bautista ang pagkabahala ng publiko dahil sa mga nasabing sinkholes. Ipinasiguro rin nito na ligtas at walang dapat na ikabahala ang mga turista ng gustong pumasok o magbakasyon sa Boracay.
Samantala, nais rin umanong malaman ng alkalde kung ang sinasabi ng DENR na 815 na sinkholes sa Boracay ay totoo at kung paano nila ito natukoy.
Dismayado naman ito dahil ngayon lang lumabas ang nasabing problema at hindi naman agad ipinagbigay alam sa kanila lalo na noong kasagsagan pa ng rehabilitasyon sa Isla upang hindi na sana nadagdagan pa ang mga gusali. (By Mary Hope Zonio)