
Navotas- Naghain si Navotas Rep. Toby Tiangco ng dalawang panukalang batas na naglalayong magbigay ng pinalakas na proteksyon sa mga konsyumer na subscriber ng internet at mobile data.
“May dalawa po tayong isinusulong na panukalang batas na may kinalaman sa data at internet na proprotekta sa mga subscribers o gumagamit nito,” ani Tiangco, na tumutukoy sa House Bill Nos. 649 at 650. Kilala bilang “Internet Refund Bill,” layunin ng House Bill No. 649 na pahusayin ang kalidad ng serbisyo sa internet sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga service provider na magbigay ng refund sa mga subscriber kapag nakaranas sila ng matagal na pagkaantala ng serbisyo.
Sa ilalim ng panukala ni Tiangco, may karapatan sa refund ang mga subscriber kung ang pagkawala ng internet service ay umabot sa kabuuang 24 oras sa loob ng isang buwan. Ang refund ay magiging pro-rated, ibig sabihin ang halagang ibabalik ay nakabatay sa aktuwal na tagal ng pagkaantala ng serbisyo.
“Layon ng Internet Refund Bill na mabigyan ng mas maayos na internet service ang mga Pilipino sa pamamagitan ng isang refund mechanism o pagbalik ng pera kapag hindi naibibigay ang serbisyong binabayaran ng tao,” paliwanag ni Tiangco. Samantala, nais namn ng House Bill No. 650, o ang “Roll Over Data Bill,” na mailipat ang hindi nagamit na prepaid data sa susunod na billing cycle, upang mabigyan ang mga subscriber ng pagkakataon na magamit nang buo ang data na kanilang nabayaran na.
“Sa kasalukuyan, ang hindi nagamit ng mga subscribers na data eh nasasayang lang. Ang ating panukala ay i-roll over ito sa next billing cycle at bigyan ang subscriber ng karapatan na magamit ito dahil bayad na naman nila ito,” paliwanag niya, kasabay ng pagsasabing malaking pakinabang ito sa mga konsyumer, lalo na sa mga may limitadong budget.
Para kay Tiangco, ang internet access ay isa nang mahalagang serbisyo, na ginagamit hindi lamang para sa social media kundi pati na rin sa edukasyon, negosyo, trabaho, at pang-araw-araw na transaksyon.
“Napakahalaga ng internet sa makabagong panahon ngayon. Hangarin natin na mapagaan naman sa bulsa ng mga mamamayan ang essential na serbisyong ito,” ani Tiangco.